Default Thumbnail

‘Keep right to overtake’ ipapatupad sa Roman highway

February 6, 2023 Christian D. Supnad 221 views

BATAAN CAPITOL – Sa hangaring lalong maprotektahan ang mga motorista na bumibiyahe dito, isang ordinansa ang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Bataan provincial government sa pagpapairal sa “Keep right to overtake.”

Ang mga lalabag dito ay may kaukulang multa.

“Pinaaalalahanan po ang lahat ng mga motorista sa Roman Superhighway na mabagal ang takbo ng sasakyan na manatili sa (right lane) maliban na lamang kung mag-overtake, kakaliwa sa isang intersection, o kapag iiwasan ang isang road obstruction,” anang ordinansa na inaprobahan ni Governor Joet S. Garcia.

Ipinaliwanag sa publiko na ito ay naaayon sa “Keep Right Except to Overtake Ordinance” na ipinasa ng SP sa pamumuno ni Vice Gov. Cristina Garcia na ipinatutupad ng Metro Bataan Development Authority (MBDA) sa pangunguna ni MBDA general manager Christopher Pozarro, sa kahabaan ng nasabing superhighway sa Bataan.

Ang mga mapapatunayang lumabag sa ordinansa ay magmumulta nang: P500 – 1st offense; P1,000 – 2nd offense; at P2,500 sa 3rd offense.

Hinihingi ng pamahalaang lalawigan ang pakikiisa dahil layon nitong panatilihin ang kaligtasan ng bawat motorista kaya’t patuloy na pinapayuhan ang lahat na mag-ingat sa lahat nang pagkakataon upang maiwasan ang anumang aksidente.