Default Thumbnail

Kayang ipaliwanag ang legal na POGO raid sa Pasay City

January 25, 2024 Marlon Purification 184 views

Marlon PurificationSAMU’T SARING puna at reaksiyon ang ating natanggap hinggil sa inilabas nating artikulo kaugnay sa isinagawang raid ng Games and Amusement Board (GAB) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang POGO hub sa Pasay City noong nagdaang Disyembre.

Maraming umaayon na marami są mga law enforcers na napasama sa kontobersiyal na raid ay ‘low morale’ ngayon dahil sa halip na papurihan sa pagganap ng tungkulin ay sila pa ang binabaligtad at pinagbibintangan ng kung anu-anong isyu at paratang.

Tulad ng sinabi ko, ang raid na isinagawa ng GAB ay may bisa ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ni Hon. Raquelen Abary-Vasquez, executive judge ng Regional Trial Court ng nasabing lungsod.

Mismong ang Intelligence Division ng Criminal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang lumapit sa sala ni Hon. Raquelen Abary-Vasquez upang kumuha ng WSSECD No. 23-032, 23042, at 23-050 o paglabag sa PD 1602 (Prescribing Stiffer Penalties for Illegal Gambling) laban sa kumpanya sa Pasay City.

Ang WWECD ay nagsilbing legal na dokumento upang masigurong tama at ayon sa batas ang gagawin pag-raid ng GAB/CIDG sa opisina nasabing POGO operator. Sigurado rin tayong naka-body camera ang mga operatiba nang isagawa ang pagsalakay na kinaaniban ng pinagsanib na puwersa ng GAB, Anti-illegal Gambling Unit (GAB,AIGU), Digital Forensic Unit, Anti-Cybercrime Group (DFU,ACG) and Intelligence Division.

Isinagawa ito sa HC Bay Hotel.

Ang nanguna sa naturang pagsalakay ay si Col. Jaffar Jansky ng CIDG na nakatalaga rin bilang Task Force commander ng GAB.

Itinanggi ni Col. Janksy na may mali sa isinagawa nilang raid at lalong hindi totoo na may nawalang pera at iba pang mahahalagang gamit sa pagsalakay.

Bago pa magsagawa ng pagsiyasat at pagkumpiska ng mga gamit ng natukoy na POGO operator, sinabi ng mga empleyado sa ni-raid na opisina na sila ay nagtratrabaho para sa isang korporasyon na may awtorisadong Internet Gaming License (ILG) mula sa PAGCOR.

Ipinakita pa ng nasabing kumpanya ang kanilang Website Declaration Form mula sa Offshore Gaming Licensing Department ng Pagcor at mayroon silang website o Internet Gaming Platform (IGL).

Pero nang isagawa ng GAB/CIDG ang nasabing WSSECD sa mga computer devices ng kumpanya, iba ang kanilang IGL kumpara sa ipinakita nila kanilang website declaration form.

Hindi maipaliwanag ng mga empleya bakit ang IGL nila ay hindi ang nasa kanilang lisensiya.

Kinumpiska pa rin ng GAB/CIDG ang 200 unit ng desktop computer at peripherals, 5 CCTV, DVR, 200 piraso ng 50 Malaysian Ringgit at P2.6 milyon na pera.

Naaresto sa pagsalakay ang 171 banyaga mula sa China, Malaysia, Vietnam at Myanmar.

Sa nakuha nating after-operation report mula sa PNP/CIDG at GAB-AIGU, maliwanag na ang pagraid ay dumaan sa tamang proseso.

Hindi gumamit ng dahas ang GAB-AIGU sa nasabing raid at walang kinumpiskang personal na gamit ng mga empleyado kundi ang mga devices na nagsisilbing ebidensiya ng paglabag sa PD 1602. Lahat ng ebidensiya ay kinumpiska at may kaukulang resibo sa presensiya ni Barangay Kagawad Lezel A. Jaranilla at Barangay Ex-O Rommel G Gillego ng Barangay 76, Zone 10, Pasay City.

Dahil sa pagbaligtad sa pangyayari, hindi talaga maiaalis sa mga tropa sa GAB at CIDG na sila’y ma-low morale. Kasi trabaho lang ang kanilang ginawa. Nasa tamang proseso at wala silang ginawang kabulastugan.

Ngayon, kung talagang gusto nilang ‘atakihin’ ang raiding team, bakit hindi nila tanungin si Atty. Richard Clarin na siyang chairman ng GAB?

Bakit hindi nila tanungin ang naturang opisyal kung ano ba ang tunay na pangyayari?

Bilang GAB chairman, naniniwala tayong kayang sagutin ito ni Atty. Clarin lalo’t alam naman ng lahat na sa prinsipyo ng ‘command responsibility,’ siya ang awtorisadong magsalita at magtanggol sa kanyang mga tauhan.