Kathryn at Andrea salpukan sa isang awards night
MULING kikilalanin ng Push Awards 2023 ang mga sikat na personalidad na nagbigay saya at inspirasyon sa fans sa online world sa pamamagitan ng kani-kanilang mga plataporma at programa.
Para sa Social Media Personality of 2023, magtatapatan sina Andrea Brillantes, Kathryn Bernardo, Heart Evangelista, KC Concepcion, at Bretman Rock. Nominado naman para sa Content Creator of 2023 sina Ivana Alawi, Kristel Fulgar, Melason, Slater Young at Kryz Uy (SkyFam), at Ninong Ry para sa kanilang nakakaantig at makabuluhang mga video.
Nominado sa Popular Love Team of 2023 category sina DonBelle (Donny Pangilinan at Belle Mariano), FranSeth (Francine Diaz at Seth Fedelin), BarDa (Barbie Forteza at David Licauco), KDLex (KD Estrada at Alexa Ilacad), at KaoMiah (Jeremiah Lisbo at Kaori Oinuma) para sa nakakakilig nilang tambalan na nagpatibok sa mga puso.
Nariyan din ang real-life couples na ipinamalas ang ‘couple goals’ kahit sa likod ng camera na nominado para sa Power Couple of 2023 tulad nina Marian Rivera at Dingdong Dantes, Vice Ganda at Ion Perez, Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli, Loisa Andalio at Ronnie Alonte, at Pia Wurtzbach at Jeremy Jauncey.
Kikilalanin naman ang mga artistang ipinamalas ang kanilang angking talento sa pag-arte sa Favorite Onscreen Performance of 2023 for Television kung saan nominado sina Kim Chiu (“Linlang”), Kaila Estrada (“Linlang”), Maris Racal (“Can’t Buy Me Love”), Zaijian Jaranilla (“Senior High”), at. Jennica Garcia (“Dirty Linen”). Maglalaban-laban naman para sa Favorite Onscreen Performance of 2023 for Film sina Piolo Pascual (“Mallari”), Kathryn Bernardo (“A Very Good Girl”), Dingdong Dantes (“Rewind”), Charlie Dizon (“Third World Romance”), at Elijiah Canlas (“About Us But Not About Us”).
Sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Sassa Gurl, Kyline Alcantara, at Niana Guerrero ang mag-aagawan sa titulong Trending TikToker of 2023, habang pwede na ring ipakita ng fans kung sino sa kanila ang karapat-dapat na manalo ng Fandom of 2023 award mula sa A’Tin (SB19), Bubblies (DonBelle), KDLex (KDLex), ACES (BGYO), at Anchors (HORI7ON).
Kabilang naman sa kategoryang Celebrity Parent/s of 2023 sina Angelica Panganiban at Gregg Homan, Jessy Mendiola at Luis Manzano, Anne Curtis at Erwan Heussaff, Andi Eigenmann at Philmar Alipayo, at Elisse Joson at McCoy De Leon.
Samantala, pwede ring piliin ng music lovers ang kanilang idolo pagdating sa pag-awit at paggawa ng mga kantang nakaka-LSS. Nominado sa Music Artist of 2023 sina juan karlos, Zack Tabudlo, Ben&Ben, SB19, at Flow G. Magtatapatan naman sina Lola Amour, Dilaw, Josh Cullen, Felip, at Imogen para sa Breakthrough Music Artist of 2023.
Hindi naman magpapahuli ang mga die-hard P-pop fans sa pagboto sa kategoryang P-pop Group of 2023 mula sa BINI, BGYO, Alamat, G22, at HORI7ON.
Para sa Push Inspiration of 2023 special category, ang tanging parangal na hindi pagbobotohan ng fans, ibibigay ito sa grupong nagpapamalas ng “Pinoy pride” sa kanilang karera at patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino.
Maaaring nang bumoto mula sa 12 na kategorya sa push.abs-cbn.com/vote hanggang Marso 15. Iaanunsyo naman ang mga nanalo sa isang virtual awarding ceremony sa Marso 22.
Nasa ika-siyam na taon na ang Push Awards kung saan kinikilala ang mga sikat na online personalities na ginagamit ang kanilang plataporma sa tamang paraan.