Default Thumbnail

Karapatang tanggihan ang store exit bag check

December 2, 2023 Magi Gunigundo 204 views

Magi GunigundoSa isang department store sa kahabaan ng Quezon Avenue, Quezon City, nakatagpo ako ng hindi pangkaraniwang store exit bag check. Dahil wala akong binili sa tindahan, wala akong maipakitang resibo. Tumanggi akong tingnan ng babaeng security guard ang laman ng bag ko. Kalmado kong pinayuhan siya na tawagin ang kanyang superbisor kung ipipilit niya ang pag-check ng bag, at ginawa niya iyon. Ipinaliwanag ko sa lalaking security supervisor na ang ginagawa ng tindahan ay labag sa konstitusyon dahil walang “probable cause” para manghimasok sa aking mga gamit. Sinabi ng superbisor na ipaparating niya ang isyu sa management ng tindahan at pinayagan akong umalis. Ipinapaalala ko sa ating mga kababayan ang kanilang karapatan sa konstitusyon na tumanggi sa store exit bag check at sa kanilang kalayaan na huwag tumangkilik sa mga department store na lumalabag sa kanilang mga karapatan.

Ang store exit bag check ay isang radikal na patakaran. Ang isang klerk ng tindahan o security guard ay tumitingin sa resibo at nabili ng customer sa exit door. Ang layunin ng bag checker ay tiyakin na ang cashier ay nasingil ng tama ang lahat ng mga item sa shopping bag o cart. Sa kabila ng pagiging hindi “consumer friendly”, naniniwala ang management ng tindahan na ito ay isang mahusay na paraan upang mapigil ang pagnanakaw ng empleyado, shoplifting at pandaraya sa refund. Karaniwan itong ginagamit sa mga tindahan ng mga produkto ng computer hardware at software, maliliit na handheld electronic device, mga music CD at videotape, na nakaranas ng malaking pagkalugi ng imbentaryo. Sa Estados Unidos lamang, tinataya ni Chris McGoey (Enero 30,2023) na ang mga negosyante ay nalulugi ng U$ 11 Bilyon bawat taon sa shoplifting lamang.

Mayroong ilang mga consumer friendly at hindi gaanong mapanghimasok na paraan ng pag-detek ng kriminal na aktibidad sa loob ng mga tindahan. Maraming mga establisyimento ang nagpakabit ng mga video surveillance camera sa loob at labas ng tindahan, kumuha ng mga undercover na opisyal para gumala sa tindahan, at naglagay ng mga electronic article surveillance tag sa mga kalakal, at itinabi ang mamahalin na maliliit na bagay sa loob ng malinaw na salamin na eskaparate na nakakandado na makukuha lamang ng mga customer sa tulong ng klerk ng tindahan. Kung bibilhin, nag-iisyu ang klerk ng papel na tiket para iharap sa cashier para mabayaran muna ito bago ilabas ang item sa cabinet at dalhin sa check-out counter.

Ipinaliwanag ni McGoey na mayroong anim (6) na pangkalahatang tinatanggap na mga hakbang na dapat sundin ng isang negosyante bago magpasyang pigilan ang isang taong pinaghihinalaang nag-shoplift: 1. Dapat mong nakita na lumapit ang shoplifter sa iyong paninda;2. Dapat mong nakitang pinipili ng shoplifter ang iyong paninda;3.dapat mong nakitang itinago o dinadala ng shoplifter ang iyong paninda;4. Dapat mong sundan at panatilihin ang patuloy na pagmamasid sa shoplifter;5.dapat mong nakita ang shoplifter na hindi nagbayad ng kinuhang paninda; 6. Kailangan mong lapitan ang shoplifter sa labas ng tindahan. Nagbibigay ang mga ito ng probable cause para pigilan ang shoplifter na umalis.Kung wala ang mga ito, inilalantad ng negosyante ang sarili sa sibil at kriminal na pananagutan para sa iligal na paghahalughog ng bag ng isang customer.

Ang Korte Suprema ay paulit-ulit na pinaalalahanan ang mga alagad ng batas na sundin ang mahigpit na pamamaraan sa mga “searches” dahil maaari itong humantong sa pagpapawalang-sala sa mga akusado kasunod ng exclusionary rule ng bunga ng puno ng lason. Sa simpleng mga salita, hindi pinapayagan ng Konstitusyon na bigyang-katwiran ang mga paraan upang makamit ang layon. Kung hindi, sa pagpuksa sa isang sakit sa lipunan, isang mas nakamamatay at mas masamang sakit ang nalilinang – ang pagyurak sa mga pundamental na mga karapatan ng mamamayan. Ang Bill of Rights ay hindi dapat isakripisyo sa altar ng kaginhawahan. Kung hindi, ang mapang-akit na pamamahala ng mga tao ang mangingibabaw sa tuntunin ng batas. ( People v Sapla, Hunyo 16,2020).

May kalayaan ang mga negosyante na maglagay ng mga pamamaraan at kagamitan upang pigilan ang mga pagkalugi sa shoplifting. Ngunit ang kalayaang ito ay dapat gamitin sa loob ng Konstitusyon(Seksyon 2 Artikulo III). Ang mga mamimili, tulad ko, ay may kalayaan din na huwag mamili sa mga mall na may mga store exit bag check na hahantong sa mas mababang benta na kasing sahol ng lugi sa shoplifting na parehong hindi nais ng mga negosyante.

AUTHOR PROFILE