Default Thumbnail

Kalikasan, lansangan at kalapastanganan!

November 9, 2023 Joey C. Papa 276 views

JoeyMARURUMING kalsada na kadalasang puro mga plastic, upos at kaha ng sigarilyo, sachet, mga nakagaraheng mga kotse, dyip, sasakyang pang-negosyo at iba pa ang larawan ng Kalakhang Maynila at karatig- lalawigan sa kasalukuyan.

Iligal at unconstitutional ito!

Ngunit bakit pinapayagan ito ng pamahalaan?

Parami ng parami ang mga sasakyang nakagarahe sa mga makikipot na kalsada. Ano ang nangyari sa mga batas at ordinansa tungkol sa maayos na daloy ng trapiko at kalinisan sa mga komunidad? Talaga bang binabale-wala na ang kalinisan at kaayusan sa ating bansa?

Aba’y matindi na ang krisis-pangkalikasan na nangyayari sa Pilipinas!

Nitong Nobyembre 8 ay ginunita ang naging pinsala ng bagyong Yolanda sa Tacloban Leyte. Nakalulungkot marinig ang mga kuwento ng mga naging saksi sa matinding trahedyang yon.

Nagtayo daw ang isang media network para sa kanilang coverage. Sa paglilibot nila, nakita nila ang mga bangkay ng tao sa ilalim ng mga gumuhong istraktura, mga bangkay sa ilog at kung saan-saan pang lugar sa mga lugar ng trahedya.

Sampung taon na ang nakaraan mula noong bagyong Yolanda, marami pang tulad nitong bagyo ang naulit sa bayan kong sawi.At marami pang malulupit na bagyo ang naunang naminsala sa atin bago pa ang bagyongYolanda.

Maraming buhay muli ang kinitil ng mga bagyo. Mga sanggol, bata, matanda, babae at lalaki mga pananim at tahanan. Hindi pa rin tayo natuto. Patuloy pa rin ang pagbabasag ng mga kabundukan, pagpuputol ng mga puno sa kagubatan na malaking tulong sa malaking pinsalang idinudulot ng mga bagyong lagi tayong dinadalaw taon-taon.

Hindi ba’t paglapastangan ito sa Inang Kalikasan na likha ng Dakilang Maylalang?

Paglapastangan ba o sagadasarang kawalanghiyaan na ang ginagawang pagsira sa ating Inang Kalikasan.

Gayundin din ang kawalanghiyaang ginagawa sa mga lansangan ng Kamaynilaan. Ang karamahihan sa mga lansangan ngayon ay ginawa nang garahe ng mga iresponsableng residente at motorista na walang respeto sa mga kapwa residente sa kani-kaniyang komunidad. Makakapal ang mukha!

Bukod sa ginawa nang personal na pag-aari ang mga lansangan, ginawa pang tambakan ng basura ang mga kalsada! Ang mga kalsada, kalye, lansangan ay pag-aari ng Estado at hindi nang sinumang pribadong indibidwal. Ang titulo ng kanilang mga bahay ay hanggang gate lamang nila ngunit idinugtong na nila ang mga kalsada bilang garahe nila. Hindi ba KAWALANGHIYAAN ito?

Bakit pinapayagan ito ng pamahaalan na nangyayari na sa matagal nang panahon? Dapat ay nakikita ng pamahalaan ang pinsalang ginagawa nito sa Inang Kalikasan at kaayusan ng isang komunidad.

Ngunti tila nagtengang -kawali na lang ang mga kinauukulan. May hinuha akong kaugnay pa rin ito sa usapin ng boto. Hindi ba’t laging boto ang nasa isip ng mga taong nangdededma sa tunay na kalagayan ng Inang Kalikasan at kaayusan ng bayan kong sawi?

Magkakapatid ang paglapastangan, pagsasalanta, at kawalanghiyaan sa isang lipunang ang pansarili lamang na interes ang pinangangalagaan.

Mananatili ang mga walanghiya sa mga lansangan at mga komunidad kung walang gagawin ang mga lingkod-bayan kuno.

Habang may taong inuuna ang pansariling kapakanan kaysa sa interes ng nakararami, magpapatuloy ang kawalanghiyaan sa Inang Kalikasan at Inang bayan.

AUTHOR PROFILE