Default Thumbnail

Kailangan ang MTBMLE sa pagbabago ng edukasyon

February 18, 2023 Magi Gunigundo 413 views

Magi GunigundoITINATAG ng UNESCO noong 1999 ang International Mother Language Day ( IMLD), na taunang ipinagdiriwang tuwing Pebrero 21, bilang pagkilala sa isang daigdig na may sari-saring mga wika at kultura.

Ang IMLD ay nagsimula bilang pagpupugay sa Kilusang Wikang Bengali (KWB), na naghangad na kilalanin ang Bengali bilang isang opisyal na wika ng Bangladesh, na dati’y sakop ng Silangang Pakistan na Urdu ang tanging opisyal na wikang sapilitang pinapagamit sa paaralan. Sa isang rali na pinamunuan ng KWB noon Pebrero 21, 1952, pinaputukan ng pulis ang mga nagmamartsa at marami ang nasawi at nasugatan. Bilang paggunita sa mga martir sa wika ng dakilang araw na iyon, ginawang piyesta opisyal ito ng Sri Lanka ( na dating kilala bilang Bangladesh).

Para sa taon 2023, ang tema ng IMLD ay “Multilingual education – a necessity to transform education, “na akmang-akma at napapanahon para sa Pilipinas na may “learning poverty.” Nananatiling matamlay ang implementasyon ng DepEd sa patakarang Mother Tongue Based-Multi-lingual Education (MTBMLE) sa kabila ng malaking potensyal na mabago nito ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas na kulelat sa PISA 2018.

Sa State of Philippine Education report noon Enero 30,2023 ng Kalihim ng Edukasyon at Bise-Presidente Sara Z. Duterte-Carpio, na hindi ililihim, bagkus ay ilalabas ng DepEd ang mga datos na kailangan ng mga dalubhasa upang makabuo ng makabuluhang solusyon. Sinabi rin ni Inday Sara na ang pag-aaral ng English ay kailangang nakalapat sa konteksto ng Pilipinas na may sari-saring mga wika.Mainam ang ginawang pagbubukas ng pintuan ng Kalihim sa lahat ng gustong tumulong upang madala sa tamang direksyon ang mga solusyon para makahabol ang kulelat nating bansa sa edukasyon.

Ang pagdiriwang ng IMLD kada Pebrero 21 ay hindi sapat kung walang kaakibat na kilos ang pamahalaan at pamayanan. Mali ang konklusyon na ayaw ng pamayanan ng tao sa MTBMLE dahil hindi ito popular sa isang sarbey. Paano natin tatanggapin ang opinyon ng mga taong hindi alam ano ang mga bahagi ng utak ng tao at walang alam paano umaandar ang mga ito sa pagkatuto ng pangalawang wika ang isang indibidwal. Wala itong pinagkaiba sa walang basehang opinyon na mas mahaba daw ang buhay ng tao noon araw kesa ngayon, samantalang ang datos sa kalusugan ay baligtad ang sinasabi. Noong araw, wala pang mga bakuna, ultrasound, ceasarian section, MRI, at mga gamot at terapi na sumasagip at nagpapahaba ng buhay.

Sinabi ni Dr. Fernand de Varennes, UN Special Rapporteur for Minority Issues, na ang hindi paggamit ng wikang alam ng bata sa kanyang edukasyon ay kawalan ng paggalang at pambabastos sa pagkatao ng bata at ng kanyang kultura. Matagal ng lumayas ang mga ganid na banyagang mananakop, ngunit ang maling paniniwalang isinaksak nila sa isipan ng sambayanan Pilipino na walang kwenta ang ating mga wika ay nagsisilbing kulungan ng kaisipan ng Pilipino. Itigil na ang pambabastos sa mga batang ang alam na wika ay hindi English o Filipino. Napapanahon na para magpalit ng kaisipan ang ating sambayanan sapagkat walang duda na kailangan natin ang MTBMLE sa pagbabago ng edukasyon.

AUTHOR PROFILE