Default Thumbnail

JCG nagpasalamat sa pagsagip sa 5 Japanese crew sa Calapan

March 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 179 views

IPINAABOT ni Japan Coast Guard (JCG) Commandant Admiral Shohei Ishii ang taos pusong pasasalamat sa Philippine Coast Guard (PCG) sa mabilis na pagkilos ng mga ito at pagsagip sa limang Japanese crew ng lumubog na fishing vessel na MV Catriona nitong Sabado sa bisinidad ng Calapan, Oriental Mindoro.

Sa sulat ni Admiral Ishii kay PCG commandant CG Admiral Artemio M. Abu, sinabi niyang umaasa siya na magpapatuloy ang bilateral relationship ng dalawang bansa.

“I hope our bilateral relationship grows even further through cooperation at this time,” pahayag ni Admiral Ishii sa sulat.

Matatandaang sinagip ng mga tauhan ang PCG nitong Sabado sina Itsuo Tamuda, 86; Hiromo Nishida, 83; Hamagato Tsukasa, 80; Osamu Kawaka I, 74; at Hata Isamu, 74, pawang mga crew ng Japanese fishing vessel na MV Catriona.

Ayon sa ulat ng PCG, nakaranas ng aberya ang barko dakong 6:30 ng umaga (Marso 11) habang naglalayag sa karagatang sakop ng Navotas, Calapan, Oriental Mindoro.

Humingi ng tulong ang kapitan ng barko sa kinauukulan kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang PCG Command Center sa PCG District Southern Tagalog, at PCG Station Oriental Mindoro upang magsagawa ng search and rescue (SAR) operation.

Sakay ng BRP Habagat (TB-271), matagumpay na natukoy ng PCG SAR team ang lokasyon ng distresses vessel at maingat na nailigtas ang mga biktima.

Ayon sa Japanese crew, umalis sila ng Japan patungong Davao at habang naglalayag ay aksidenteng nabutas umano ang fishing vessel.