Default Thumbnail

Isko, Mayor-elect Lacuna, pinangunahan pagpapasinaya sa Yuchengco Plaza

June 22, 2022 Edd Reyes 192 views

PINANGUNAHAN nina outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan ang pagpapasinaya at pagpapa-ilaw sa Plaza Yuchengo sa Muelle de Banco Nacional sa Binondo Martes ng gabi.

Kasama nina Mayor Isko sa inagurasyon sina Helen Yuchengco-Dee ng Yuchengco Group of Companies, Vice Mayor-elect Yul Servo Nieto, 3rd District Congressman-elect Joel Chua, City Engr. Armand Andres, City Electrical Engr. Randy Sadac, mga opisyal ng barangay, Chinatown fire volunteers at mga konsehal sa pagbubukas at pagpapa-ilaw ng binagong 275 metro-kwadradong plaza na nilagyan ng 24 na native flowering trees, 28 lamp post, 16 na light bollards, 14 na plant boxes and walong plant wells.

Sa kanyang pagsasalita, nagpasalamat si Ginang Yuchengco-Dee kay Mayor Isko sa pagtanggap ng kontribusyong ibinahagi ng Yuchengco Group of Companies para sa programang pagpapaganda ng pamahalaang lungsod kasabay ng pagpapahayag ng kanyang papuri sa mga taong nasa likod ng pagka-kumpleto ng plaza na noon lamang Nobyembre ng nagdaang taon ay kanilang isinagawa nina Mayor Isko at Mayor-elect Honey Lacuna ang groundbreaking ceremony.

“This landscape and well-lighted plaza blessed perfectly well with the iconic view of the Pasig River and the historical landmarks such as the Manila Post Office and the Jones Bridge, and I can proudly say pang ‘postcard’ ang view sa Plaza Yuchengco,” dagdag ni Yuchengco-Dee.

Nagpasalamat naman si Mayor-elect Lacuna sa Yuchengco Group of Companies na pinamumunuan ni Yuchengco-Dee dahil sa ginawang masigasig na pagsusumikap na maitayo ang naturang Plaza na bahagi ng Muelle Banco de Nacional.

“Malaking tulong ito sa ating pamahalaang lokal sa patuloy na paglilinis, pagsasaayos at pagpapaganda ng ating lungsod sa layuning mapasigla pa ang Maynila lalo na sa pagdating ng turismo at negosyo,” sabi ni Lacuna.

Sa kanyang pagpapakilala sa alkalde (Isko Moreno), sinabi ni Lacuna na mapalad ang Lungsod ng Maynila sa pagkakaroon ng lider na may matinding pangitain, magandang pananaw at paninindigang pulitikal na magtitiyak na ang kanyang magandang pangarap para sa lungsod ay tiyak na matutupad.

“Siya ang naghatid sa atin ng malaking pagbabago at pag-unlad ng lungsod. Ipinakita at ipinadama niya ang kanyang pagmamahal, malasakit sa kanyang minamahal na lungsod at sa kanyang mga kapwa Manileño,” sabi pa ng kasalukuyang bise alkalde.

Sa kanya namang pagsasalita, sinabi ni Mayor Isko na masaya at ipinagmamalaki niya si Mayor-elect Lacuna na “uukit ng kasaysayan” bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng kapitolyo ng bansa, unang babaeng naging majority floor leader ng Sangguniang Panlungsod at unang babaeng naging bise alkalde na kasama niya sa kanyang mga pangarap na maging bukas ang Maynila sa lahat at pantay-pantay na oportunidad.

Umapela rin siya sa bawat mamamayan ng lungsod na suportahan at ipagkaloob kay Mayor-elect Lacuna ang tiwala, tulad ng ipinagkaloob sa kanya sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan.

“Naniniwala ako na maipagpapatuloy ng ating minamahal na incoming Mayor ang lahat ng aking napasimulan at gusto kong ipaalam sa inyo na ang lahat ng anumang mga naganap, nangyari sa lungsod ng Maynila, siya ay kasama ko. Habang puyat ako, puyat din siya kaya noong nagka-Covid siya nagka-Covid din ako, yan ang ating minamahal na Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan,” pahayag ng alkalde.

AUTHOR PROFILE