Default Thumbnail

ISIS supporter todas sa Marawi shootout

March 30, 2023 Zaida I. Delos Reyes 141 views

PATAY ang isang lalaki na tinaguriang “most wanted person” sa Lanao del Sur at tagasuporta umano ng teroristang grupong “Islamic State of Iraq and Syria” (ISIS) matapos na makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa Marawi City nitong Miyerkules.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, si Mohammad Isah Alimondaya ay nasawi dakong 2:30 ng madaling araw (Marso 29) sa Bgy. Dulay West, Marawi City.

Nagtungo umano ang mga tauhan ng Marawi City police sa lugar upang ihain ang warrant of arrest laban sa suspek subalit sa halip na sumuko ay pinaputukan nito ang mga alagad ng batas.

Nang gumanti ng putok ang mga pulis ay nasapol ang suspek na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.

Narekober mula sa ISIS supporter ang isang kalibre .45 na baril, isang .22 caliber revolver, mga bala, at granada.

Ang suspek ay wanted sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

Bukod pa ito sa naunang arrest warrant na inilabas ng korte para sa kasong frustrated murder na may piyansang P200,000.

Maliban sa pagiging supporter ng ISIS-Dawlah Islamiyah, sangkot din diumano ang suspek sa contract killings, gunrunning, at illegal drug trafficking sa Lanao del Sur at Maguindanao.