Default Thumbnail

Isang kutsarang shabu!

April 16, 2023 Allan L. Encarnacion 406 views

Allan EncarnacionPARA magkaroon kayo ng idea kung gaano karami ang 990 kilos ng shabu, pumunta kayo sa isang bodega ng NFA na pinag-iimbakan ng bigas or doon sa mga malalaking tindahan ng bigas na may mga nakasalansan sa paligid.

Ang bawat isang sako ng bigas ay 50 kilos ang laman. Kapag pinagpatong-patong ang sampung sako ng bigas, 500 kilos iyon. Kung 990 kilos or isang libong kilo or isang tonelada, ibig sabihin, 20 sako ng bigas ang magkakapatong para malaman mo ang volume o dami ng ating pinag-uusapan.

Kung bigas nga lang ang usapan, ang halaga ng 20 sako ay hindi lalayo sa P60,000 kung maayos-ayos na bigas ito. Pero kung California or Japanese rice na P5,000 kada sako, nasa P100,000 lang pala.

Pero dahil 990 kilos ng shabu ang ating pinag-uusapan, ayon sa mga drug experts, ang street value ng isang tonelada nito ay nasa P6.7 bilyon.

Nakita natin sa mga CCTV at sa mga pelikula or mga actual shabu session, isang kutsara lang ang sinisunog sa pamamagitan ng burner or lighter, tatlo hanggang limang tao na ang bumabatak, sabog na agad sila. Iyong lima na iyon ang bagong kriminal na posibleng mangholdap at manggahasa ng mga kababaihan nating dumaraan sa mga eskinitq.

Iyong lima na iyon ang mang-aagaw ng cellphone ng ating mga anak na estudyante sa Monumento, Caloocan or sa Baclaran or sa Carriedo sa Maynila. Silang lima ang magkakasundo kung kaninong bahay ang kanilang aakyatin kinagabihan. at handa nilang patayin ang mga tao na kanilang daratnang gising.

Kapag sumobra pa sa isang kutsara ang kanilang natira, maghahanap pa ng mga musmos or mga lola ang mga yan para gahasain at patayin.

Bubuo na rin ng grupo ang limang yan para lumusot sa mga imburnal at pasukin ang mga pawn shop at bangko gamit ang mga acetylene.

Sila rin iyong mga tatayo sa kanto-kanto at mangungursunada ng mga dadaang para saksakin na lang nang walang kalaban-laban.

Imagine, isang kutsara lang ng shabu, lima na ang bangag, gaano pa kaya karaming sugapa ang sisinghot ng isang libong kilo ng shabu na nakumpiska ng PNP? Mga isaang libong adik? Mga dalawang daang libong bangag? Mga limang daang kriminal? Mga isang milyon kaya sila?

Kung ganito karaming adik ang sisinghot ng mga shabu na ito sakaling hindi nakumpiska ng ating mga pulis, balik ulit tayo sa sinasabing pugad ng mga kriminal ang ating bansa.

Mga kababayan, ito ang malaking problema natin, ang nahulihan ng isang toneladang shabu ay pulis, ang protektor nila ay pulis, ang mga nagpapakalat ng produkto niya ay pulis? Nakikita nyo ba kung gaano kalubha ang ating problema ngayon?

Ang positibong bagay lamang sa isyung ito, matitinong pulis din naman ang nakasakote sa isang libong shabu. Gusto nating sumaya sa anggulong ito pero mas mabigat ang ating lungkot dahil nga sa katotohanang mga nakauniporme ang pasimuno ng sindikatong nagpapakalat ng illegal drugs.

Napakabigat sa dibdib na malaman mong ang pulis na inaasahan mong to protect and to serve the public ay sila mismong mga kriminal.

Iyong karaniwang kriminal, hindi pa masyadong masakit sa atin dahil may katapat din silang batas. Pero kung ang mismong mga pulis na silang nagpapatupad ng batas, ano ang laban ni Juan de la Cruz dyan?

Mga Mamang Pulis, hindi ko alam kung napagmamasdan nyo ang inyong mga anak kapag natutulog. Iyon lang mismong senaryo na iyon na habang himbing na natutulog ang iyong pamilya ay nagpapakalat ng droga ang mga tiwali sa inyong hanay ay sapat na para kilabutan ang inyong buong bayan.

Nakakadiri, nakakadismaya at sobrang nakakagalit.

[email protected]