Default Thumbnail

Ipakulong ang mga ‘walang awa’ sa NIA!

September 5, 2022 Allan L. Encarnacion 490 views

Allan EncarnacionKUNG sumablay man ang ating rice-self-suffiency target sa mga nakaraang taon at patuloy tayong kinakapos sa iba pang agricultural products, iyon ay puwede nating sabihin dahil na rin sa sablay na taga-dilig!

Kaya tayo mayroon National Irrigation Administration o NIA ay para maging super liyagadera na magpapasigla ng ating mga bukirin at mga gulayan sa buong bansa.

Malaking hamon sa kaibigan nating si NIA Administrator Benny Antiporda ang pagkakakatalaga sa kanya ni Pangulong BBM sa ahensiyang batbat ng katiwalian sa maraming dekada.

Inabot natin ang golden days ng NIA dahil nakaligo pa tayo sa ilang malalaking irigasyon sa Isabela at Pampanga noong ating kabataan. Panahon ito ng erpat ni PBMM kaya noong araw, kapag nagkayayaan kaming mga bata na maligo sa irigasyon, alam mo na ang iyong daratnan: malakas na agos ng tubig na mahuhubaran ka ng salawal sa tindi ng pressure.

Kasabayan ng bastanteng supply ng tubig sa irigasyon noon ay ang bastanteng supply ng ating mga bigas at gulay. Nang mawala si FM, unti-unti nang natuyo ang mga pinaliliguan naming irigasyon hanggang naging dedbol na kanal na lang.

Resulta, kinapos na tayo sa bigas, kinapos na tayo sa asukal at kinapos na rin tayo sa mga gulay kaya kailangan na nating umangkat sa ibang bansa.

Ang naging problema, iyong ibang tulisan sa NIA ay wala nang ginawa kung hindi gumawa ng lagusan ng pera papunta sa kanilang bulsa sa halip na gumawa ng lagusan ng tubig para ating mga kabukiran. Sigurado naman tayong may mga matitino sa NIA pero natatabunan ng mga walanghiya!

May mga pagkakataon pa nga na gumagawa sila ng kanal sa mga lugar na wala namang dadaloy na tubig kaya nakatengga ang maraming irrigation projects sa iba’t ibang lalawigan. Sa bandang Quezon province nga, uminit ang ulo ni Governor Helen Tan sa nadiskubre nilang NIA project dahil mistulang ginawa ng walang sintido kumon na tauhan ng gobyerno at kontraktor na walang alam.

Sabi ni Gov. Helen, kaya pala walang dumadaloy na tubig sa kanilang irigasyon papunta sa mga bukirin ay dahil sa palpak ang pagkakagawa ng istraktura. Mas mataas pa iyong water ways or canal kaysa pagmumulan ng tubig. Genius NIA project!!!!

Daan-daang milyong piso ang ginastos ng NIA sa irrigation project sa Quezon pero kahit isang patak ng ihi ng palaka ay walang dumadaloy! In fairness kay Administrator Antiporda, hindi pa niya panahon nang mangyari ang mga maeskandalong proyektong ito.

Kaya nga palaging mainit ang ulo ni Antiporda dahil sa mga dinatnan niyang problema. Sa halip na sumusulong na ang NIA sa kanilang mga plano, abala ngayon si Antiporda sa pag-iimbestiga kung bakit nagkaubos-ubos ang pondo ng ahensiya pero walang markadong proyekto para sa bayan.

Kailangan sigurong imbitahan ni Antiporda ang lahat ng mga naging administrator sa NIA sa nakaraang 10 taon para malaman kung bakit naging miserable ang sitwasyon ng bansa sa aspeto ng irigasyon.

Panahon na para magkaroon ng makatotohanang pagpapakulong sa mga tiwali sa NIA na tumuyot sa ating mga patubig.

Mga walang awa kayo sa ating magsasaka!

[email protected]