Default Thumbnail

Ipakulong ang mga load limit violators!

October 21, 2022 Allan L. Encarnacion 418 views

Allan EncarnacionPINAGPAPASALAMAT natin na hindi naging sanhi ng malaking trahedya ang pagguho ng bahagi ng Carlos P. Romulo Bridge sa Bayambang town sa lalawigan Pangasinan.

Narinig natin ang paliwanag ni DPWH Region Director Ronel Tan tungkol sa insidenteng ito na dapat magbigay ng tamang kaisipan at aral, lalo na sa mga nasa truck and hauling services.

Ang binabanggit na tulay ay noong 1945 pa pala ginawa at maayos namang nadadaanan magmula noon. Makailang ulit nang lumindol sa Region 1 hindi naman nagkaroon ng major damage ang tulay.

Sinabi ni Director Tan na noong 2012, ginawan pa nila ng assessment report ang tulay matapos ang serye ng inspection sa naturang tulay. Ligtas naman daanan ng kahit anong sasakyan pero may weight limit ang puwedeng gumamit nito.

Lumilitaw sa paliwanag ni Tan na 20 tons lang ang weigth capacity ng tulay pero dumaan ang isang trak ng bungahin na may kargang halos 48 tons. Anong klaseng mga truckers ang patuloy na nagbabalewala sa limitasyon ng kanilang mga dinadanaang tulay at kalsada?

Si DPWH Region 3 Director Rosseller “Dong” Tolentino ay makailang ulit na ring nagrereklamo sa mga truckers na gumigiba ng mga kalsada sa Central Luzon.

Ayon kina Tan at Tolentino, naging standard na sa DPWH ang paggawa ng mga kalsada na ang kapal ay 12 inches para mas maging matibay subalit kailangan pa ring sumunod ng mga truckers sa load limit.

Katulad ng nangyaring ito sa Pangasinan, malaking trabaho na naman para sa team ni Director Tan kahit hindi naman sila ang may kasalanan. Bukod sa bagong trabaho, panibagong pondo na naman ng gobyerno ang kailangang gastusin sa insidenteng kagagawan ng pribado.

Ang tanong, kailan naman natin papanagutin ang mga truckers na lumalabag sa weight capacity ng ating mga tulay at kalsada? Maraming national highways na ang winasak ng mga trak na walang pakundangan sa bigat ng kanilang karga pero wala tayong nababalitaang negosyanteng pinaparusahan o pinagmumulta man lang.

Sabi nga ni Director Tan, wala silang police power para hulihin ang mga violators sa load limit kaya dapat dyan papasok ang ating mga law enforcement mula sa LTO at PNP Highway Patrol.

Kailangang masampulan ang mga negosyanteng ito na pagastusin natin sa mga nasisira nilang kalsada at tulay na daan-daang milyong piso ang halaga para matigil ang kanilang pang-aabuso.

Iyong mga driver naman ng trak na wala ring isip at walang malasakit ay dapat ding maipakulong dahil sa pinsala na kanilang idinudulot sa mga main bridges at main road.

Hangga’t wala tayong naipapakulong at napagmumultang negosyante, magpapatuloy ang kanilang pagsira sa mga kalsada at tulay natin bukod pa ang posibleng trahedyang idulot nito sa ating mga kababayan.

[email protected]