Indian nat’l nakaligtas sa ambush sa Navotas

December 8, 2022 Edd Reyes 71 views

SUGATAN ang isang Indian national nang barilin ng isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo Miyerkules ng umaga sa Navotas City.

Nagawa pang patakbuhin ng biktima ang kanyang motorsiklo nang barilin ng isa sa dalawang lalaking sakay din ng motorsiklo dakong alas-9:50 ng umaga sa kanto ng Lapu-Lapu at Dalagang Bukid Streets sa naturang lungsod upang dalhin ang sarili sa pagamutan.

Sa pahayag ng isang testigong pedicab driver, kina P/SSgt. Reysie Panaranda at P/Cpl. Godfrey Aparicio ng Navotas Police Homicide Section, nakahinto siya sa stoplight sa kanto ng Lapu-Lapu at Dalagang Bukid Sts. habang nasa harapan niya ang biktima na sakay ng kanyang motorsiklo, katabi ang mga suspek na naghihintay ring magkulay berde ang stoplight, nang biglang bumunot ng baril ang isa sa dalawang suspek at binaril ng dalawang ulit ang biktima.

Bumagsak ang biktima subalit muling tumayo nang tumakas ang mga suspek patungong C3 Road at sumakay muli sa kanyang motorsiklo ang biktima patungo sa Tondo Medical Center kung saan siya ngayon nakaratay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga nakakabit na CCTV (closed-circuit television) camera sa lugar habang inaalam din ang motibo sa tangkang pamamaslang.

AUTHOR PROFILE