Default Thumbnail

Iligtas ang mga sanggol at bata!

November 5, 2023 Joey C. Papa 209 views

JoeySINASABING ang Pilipinas daw ang may pinakamahabang araw ng pagdiriwang ng Pasko.

Pagsapit ng ber months, simula na ang pagbibilang ng mga media network ng countdown Pasko.

Nagsisimula na ring patutugtugin sa mga programang panradyo ang mga awiting Pasko.

Maging ang mga bata ay nagsisimula nang mag-ensayo ng mga awiting Pasko at ang ilang pamilya ay itinayo na ang kanilang mga Christmas tree.

Imbitado naman lagi ang icon ‘umano ng mga awiting Pasko na si Jose Mari Chan. Inaawit niya ang mga sarili niyang komposisyon ng mga awiting Pasko.

Totoo namang tumatak na sa sa isipan ng maraming Pinoy ang kanyang mga awitin bukod pa sa ibang mga awiting Pasko lalo na sa mga bata. Masaya ang Pasko lalo na para sa pakiramdam ng mga bata.

Ngunit sa gitna ng mga awiting Pasko, binubulabog ang mundo ng kabi-kabilang karahasan ng digmaan bukod pa sa mga delubyo ng paglindol at mga pagbaha, pagguho ng lupa, pagkasunog ng mga kagubatan. Tila pinapatay ng mga pangyayaring ito ang kagandahan ng diwa ng sasapit na Pasko.

Parang tila nagkasunod-sunod naman ang mga karahasan ngayon sa mundo. Marami nang nasasawi lalo na ang mga batang walang muwang sa nagaganap na digmaan.

Ngunit mayroon namang nagsasabing alam ng ilang mga kabataan kung bakit kailangang lumaban sila para sa kanilang kalayaan.

Kaya may nananawagan na mga grupo at indibuwal nang ceasefire o tigil- putukan sa magkakabilang panig na hindi naman sinasang-ayunan ng isang panig.

Mabigat at malagim ang problemang ito sa bawat oras at araw na dumadaan at lumilipas dahil libong tao kabilang na ang sanggol, bata at matatanda, ang namamatay lalo na sa Gaza strip sa kasalukuyang bakbakan ng mga mandirigma ng Palestine at sundalong Israel.

Kung minsan ay napakahirap panoorin ang mga balita tungkol sa digmaang ito. Parang ampaw ang mga gusaling gumuguho pagkaraang tamaan ng bomba ng Israel. Ilang tao ang nasa loob ng mga gusaling ‘yon? Ilang sangggol, bata at matatanda ang nasa loob ng mga gusaling ‘yon?

Bakit ayaw ng Israel ng tigil-putukan? May nagsasabi ba sa kanilang huwag tigilan ang mga pambobomba sa mga Palestino sa Gaza strip?

Genocide na nga ang tawag dito at hindi lang masaker. Maramihang pagpatay na talaga ang ginagawa. Bomba ang ginagamit kaya libong tao agad ang patay sa isang iglap lamang.

Kahit sa loob ng Estados Unidos ay nagpoprotesta na ang mga tagaroon sa ginagawang sunod-sunod na pambobomba ng Israel sa Gaza Strip. Ayaw pa ring tumigil ng Israel.

Marami nang bansa ang pumapanig sa mga Palestino dahil sa ginagawang genocide na ito ng Israel. Ang iba nga ay lumahok na sa digmaan laban sa Israel.

Higit na mapanganib na kumalat ang apoy ng digmaan. Hindi rin naman pumapagitna ang United Nations upang isulong ang pagpapatupad ng tigil-putukan.

Walang patutunguhan ito para sa mga bata at sanggol na pinapatay ng mga bomba ng Israel.

Ang tanging paraan na lamang ay umalis sa Gaza stip at lumipat ng ibang bansa. Tumakas mula sa mga bombahan. Ngunit may mga sagka pa rin.

Mahalaga ang bawat sandali para sa mga sanggol at bata upang mailigtas ang kanilang buhay kasama ng kani-kanilang pamilya.

Baka naman puwedeng itigil muna ang putukan ng ilang araw at hayaang makaalis ng Gaza ang mga sanggol, bata, mga matatanda, mga magulang at pamilya na hindi naman mga combatants o armado. Hindi sila kabilang bakbakang armado at bombahan.

Pagkaraang makalikas na ang mga binanggit sa itaas, tingnan muna ng magkabilang panig kung itutuloy pa ang bakbakan. Kung itutuloy pa nila, nasa kanila na ‘yon tutal sila naman ang mga armado at handang mamatay para sa kani-kanilang layunin.

AUTHOR PROFILE