Marcos

Huwag muna

May 16, 2023 People's Tonight 259 views

HABANG tumatagal ay lalong lumalakas ang panawagan ng maraming sektor, kasama na ang mga magsasaka, na huwag munang umalis sa Department of Agriculture (DA) si Pangulong Marcos.

Talagang hindi natin masisisi ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang nagtatrabaho sa bukid kung bakit ayaw pa nilang iwan ni Pangulong Marcos ang pamumuno sa naturang kagawaran.

Malaking bagay daw ang presensya ng anak ni yumaong Presidente Ferdinand E. Marcos at First Lady Imelda Romualdez Marcos sa DA, ayon sa mga magsasaka at mangingisda.

Hindi umano makaporma ang mga tao o grupong gustong magsamantala sa ating mga nahihirapang “anak-pawis” dahil nandiyan nga ang Pangulong Bongbong Marcos.

Sa tingin ng mga “farm worker” ay hindi naman naaapektuhan nang pananatili ni Pangulong Marcos sa agriculture department ang iba pa niyang trabaho sa Palasyo ng Malacanang.

Huwag nating kalimutan na ang mga magsasaka, mangingisda at ang kanilang mga mahal sa buhay ang bumubuo ng majority ng ating mahigit isang daang milyong populasyon.

Kung sinu-sino na kasi ang mga nakikinabang sa pawis ng ating mga farm worker, kagaya na lang ng mga mapagsamantalang negosyante (hoarders at profiteers.)

Pero kung sakali mang maglalagay na si Pangulong Marcos ng kalihim ng Department of Agriculture ay sana yong talagang may malasakit sa mga nagbubungkal ng lupa.

Lahat ng legal na paraan ay ginagawa ng kasalukuyang administrasyon para ayusin ang mga napakaraming mabibigat na problema sa sektor ng agrikultura.

Kaya mas makabubuti sa ating lahat kung manatili muna sa kagawaran si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Hindi ba, Vice President Sara Z. Duterte?

AUTHOR PROFILE