Default Thumbnail

Holdaper ng negosyanteng ginang tiklo sa ‘habulan’

February 18, 2023 Edd Reyes 219 views

MISTULANG “eksena sa pelikula” ang pagtugis ng mga pulis sa tumatakas na holdaper na sakay ng kanyang motorsiklo matapos makapambiktima hanggang tuluyang masukol Biyernes ng madaling araw sa Navotas City.

Ayon kay P/Capt. Luis Rufo, hepe ng Intelligence Section ng Navotas Police, ang suspek ay residente ng Barangay Longos, Malabon City, at nangholdap at tumangay diumano sa bag ng negosyanteng ginang dakong ala-1 ng madaling araw sa kanto ng Road 10 at Linchangco St. North Bay Boulevard North (NBBN).

Sa kanyang ulat kay P/Col. Allan Benitez Umipig, bagong upong hepe ng Navotas Police, sinabi ni Rufo na kasalukuyan silang nagsasagawa ng surveillance operation nang marinig nila ang malakas na sigaw ng 45-anyos na ginang, ng Bgy. Tangos North na humihingi ng tulong makaraan siyang tutukan ng baril at puwersahang kunin ang dalang bag habang nakaupo sa nakaparada niyang e-bike.

Namataan pa nina Rufo ang suspek na tumatakas sakay ng kanyang motorsiklo kaya’t kaagad nilang tinugis ang suspek hanggang sa abutan sa loob ng Convention Center Site sa Bgy. Bagong Bayan South (BBS) makaraan ang mahabang habulan.

Nabawi sa suspek ang tinangay na bag ng ginang na naglalaman ng P7,140, mamahaling relos, kuwintas, hikaw, at bracelet, pati na ang kanyang ginamit sa panghoholdap na kalibre .38 baril na may kargang tatlong bala.

Sinabi ni Rufo na kinumpiska rin nila ang gamit na motorsiklo ng suspek sa kanyang pagtakas na kasalukuyang naka-impound ngayon sa impounding section ng Navotas Police.

Iprinisinta na ng pulisya sa Navotas City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong Robbery with Intimidation of Persons at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) na isinampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE