‘Hindi biro: Cable cars at problema sa trapiko’

August 15, 2022 People's Tonight 172 views

RobinNAGING viral sa iba’t-ibang platforms ng social media ang ating mungkahi na magkaroon ng aerial cable car system bilang solusyon sa problema sa trapiko sa Metro Manila at ibang matrapik na urban areas.

Sabi ng ilan, malamya ang ideya at walang basehan, ngunit mas marami ang nakahanap ng katatawanan sa mga ginawang memes sa social media.

Bukod sa ano pa man, nakamamangha ang interes ng mga tao sa usapin, may ilan pa ngang nag-abalang i-edit pa ang mga larawan ng iba’t ibang lungsod sa bansa ng may cable cars.

Pero ang mahalaga – aminin man o hindi ng mga kritiko – nabuksan ang diskurso at napukaw ang imahinasyon ng mga tao sa isang lehitimong alternatibo para masolusyonan ang problema sa trapiko. Ika nga, “we cannot create what we cannot imagine.”

Hindi na bago ang ideyang ito. Isang siglo na ang nakakaraan nang malikha ang cable cars. Malamang nga ay marami-rami na rin sa ating mga kababayan ang nakasubok na makasakay nito sa ibang bansa.

Ngunit nitong mga nagdaang dekada ay makikita na rin ang epektibong paggamit ng cable car systems sa mga urban areas sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kabilang na rito ang Caracas at Medellín sa Latin America; London, Koblenz, Bolzano sa Europa; at pati na sa ating mga kalapit bayan natin sa Asya tulad sa South Korea, Taiwan at Hong Kong.

Sa ating bansa, hindi rin biro ang komprehensibong pag-aaral na nasimulan na noong 2018 ng Department of Transportation (DOTr) sa tulong ng French Government para sa panukalang $100-million Manila Urban Cable Car Project.

Base sa plano, ang mga istasyon ay uugnay sa LRT2 Santolan Station sa Marikina; Libis at Eastwood sa Quezon City; at Santolan, Manggahan at Rosario sa Pasig City.

Maaari itong magsakay ng commuters gamit ang tinatawag na “detachable gondola lifts” na mayroong 10-seater cabins. Base sa isang eksperto, ang “gondolas” o ang mass transport multi-line na sasakyan ay maaring magdala ng hanggang 100,000 pasahero bawat araw. Hindi ito gaanong malayo sa mamahaling subway na maaaring magsakay ng 300,000 katao kada araw.

Hindi biro ang P27-milyon na grant mula sa French government upang pag-aralan ang posibilidad ng cable car line sa Kamaynilaan.

Lalong hindi biro at hindi maitatanggi ang kaginhawaan na maaaring idulot nito batay sa mga pag-aaral: mas mura ang pagtatayo kaysa sa riles, mas mabilis ang paggawa, mas mura ang gastos sa pagpapatakbo, mas maliit na lupa ang kakailanganin — praktikal para sa kapos at mahal na lupain sa Metro Manila.

Isang paalala sa lahat: nag-ugat ang ating mungkahi para sa cable car system upang tugunan ang isyu ng transportasyon at trapiko na lubos na pinagdudusahan ng mga Pilipino sa pang-araw-araw. Ang totoo pa nga ay nakonsidera ang panukalang ito ng nakaraang administrasyon.

Aminado tayo na walang iisang sistema ang makakalutas ng ating problema sa trapiko. Hindi iisang cable system lamang ang solusyon. Bagkus, kailangan natin ng isang buslo ng solusyon, pamamaraan, at sistema na kung ipinagsama ay magdudulot ng ginhawa sa ating mga komyuter.

Tulad ng cable car system at ng komprehesibong pag-aaral ukol dito — hindi dapat gawing biro lamang ang usapin para masolusyunan ang malalang problema sa trapiko… At hindi rin ito maitatanggi ng ating mga kritiko.

AUTHOR PROFILE