Gonzales Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

HINAING NG FISHERS TUTUGUNAN

May 25, 2024 People's Tonight 82 views

Ng Kamara

NAGSILBING “eye-opener” sa mga miyembro ng Kamara de Representantes ang ginawang public consultation sa mga mangingisda sa Zambales, kasabay ng pagtiyak sa paglikha ng inter-agency panel na tututok sa mga hinaing ng mga mangingisda at mag-aaral sa mga iminungkahing solusyon sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., naging emosyonal ang pagdinig at tiniyak na tatalakayin ng Kongreso ang mga napag-usapan sa joint hearing ng House committees on national defense and security and the Special committee on the West Philippine Sea.

“Malapit na naman ‘yung budget season. Narinig natin iyong ating mga fisherfolks. So rest assured that we will form an inter-agency (panel) para magkaroon ng kasagutan itong kahilingan at kanilang mga nararamdaman,” ayon kay Gonzales sa ginanap na pulong balitaan.

“Kanina nakita ninyo may umiiyak na fisherfolk at iyan eh nakakadugo sa puso. Iyan ang hanapbuhay nila. So more reasons, ang sabi nga ng leader ng Kongreso, si Speaker Martin Romualdez, na we will go here para makinig kami sa mga hinaing ng ating mga kababayan dito sa Zambales,” ayon pa sa mambabatas.

Sinabi naman ni Iloilo Rep. Raul “Boboy” Tupas, vice-chairperson ng Committee on national defense and security, na ang problemang kinakaharap ng mga taga-Zambales mula sa pangha-harass ng China sa teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas ay nangangailangan ng multi-sectoral o inter-agency approach.

Lumutang din sa pagdinig na isa sa mga suliranin ng mga mangingisda ay ang mga hindi mapakinabangang bangka na ibinigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Complex po ang isyu na ito, complex po ang problemang ito. Kaya kailangan po natin ng tulong ng maraming ahensya ng gobyerno. Ang pwede po nating approach na makuha dito, inter-agency or even multi-sectoral approach,” ayon kay Tupas.

“At kanina po, lumabas sa public consultation ang maraming solusyon na minungkahi ng local government ng Masinloc, ng provincial government ng Zambales, lalong lalo na po ‘yung mga representante ng mga asosasyon ng mangingisda,” dagdag pa ng mambabatas.

“Hopefully po we will be able to overcome ito pong mga obstacles at ma-convert natin into stepping stones. ‘Yan ang unang nasabi ni Speaker Martin Romualdez noong nagkaroon siya ng adjournment message. Talagang inuna niya na kailangan talaga ng national security, kailangan ng economic activity para po umasenso ang ating bansa at dumating ang tulong sa ating pong mga marginalized sectors.”

Binigyan diin naman ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun, kasama ang mga mambabatas ng Kamara, ang pag-aksyon at pagbabantay na mabibigyang tugon ang mga hinaing na binanggit ng mga mangingisda sa Zambales.

“Hindi po nagkukulang ang Kongreso sa pagbibigay ng pondo sa BFAR. Hindi po nagkukulang ang ating Presidente sa pagpapaalala sa BFAR na gawin po iyong kanilang trabaho at talagang bumaba sa ating mga mangingisda at alamin iyong kanilang mga pangangailangan,” ayon kay Khonghun.

“Nandito po kami bilang isa sa mga responsibilidad ng Kongreso is ‘yung oversight function. So, isa sa mga importanteng nalaman natin na hindi angkop ‘yung mga bangka na ipinamimigay nila.

Isa iyon sa mga sisilipin at titingnan ng Kongreso. Siyempre sa pangunguna ng ating speaker, Speaker Martin Romualdez,” ayon sa mambabatas.

AUTHOR PROFILE