Default Thumbnail

Higit P2M shabu nasabat sa suspek

May 3, 2023 Edd Reyes 139 views

MAHIGIT P2 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa isa sa dalawang kilabot na tulak umano ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation Martes ng gabi sa Parañaque City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, ang nadakip na suspek ay isang 64-anyos na lalaki, habang nakatakas naman ang kasama niyang may alyas na “Zeth” na ngayon ay tinutugis na ng mga tauhan ng Parañaque police.

Batay sa ulat, kumagat sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque police ang mga suspek matapos makipag-transaksiyon sa pulis na nagpanggap na buyer dakong alas 11:30 ng gabi sa Tramo Uno, Bgy. San Dionisio sa naturang lungsod.

Matapos magpositibo ang operasyon sa palitan ng shabu at markadong salapi, nakatunog si alyas “Zeth” at mabilis na tumalilis habang inaresto ang kanyang kasabwat.

Nasamsam ng mga tauhan ni Parañaque Police Chief P/Col. Renato Ocampo sa suspek ang kabuuang 325 gramo ng shabu na katumbas ng halagang P2,210,000, isang weighing scale, at markadong salapi.

Sinabi ni Kraft na sinampahan na ng kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11, Art. II ng RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek sa Office of the City Prosecutor ng Parañaque City.

AUTHOR PROFILE