Default Thumbnail

Happy wife, happy Life

January 21, 2023 Magi Gunigundo 386 views

Magi GunigundoANG katagang “ Happy Wife, Happy Life” ay magandang pakinggan at nagpapahiwatig ng maginhawang buhay ng pamilya sapagkat naghahari ang kapayapaan at tuwa ng ilaw ng tahanan.

Subalit maraming lalaki ang nagkakamali ng intindi sa katagang ito. Para sa kanila, dapat ay magpaubaya sa lahat ng gusto ni misis para sumaya ito. Ang ganyang interpretasyon ay taliwas sa Bibliya na nagsasabing ang lalake ang ulo ng pamilya at dapat si misis ay magpasakop kay mister. Ngunit mali rin sabihin na si mister ang masusunod sa lahat ng bagay bilang diktador. Ang pagpapasakop ni misis ay katumbas ng paggalang sa pasya ni mister pagkaraan na mag usap ang mag asawa kung ano ang gagawin. Hindi maaaring tabla ang boto ni mister at ni misis. Hindi naman maaaring hingin ang boto ng mga supling lalo na at mga musmos pa ang mga ito.

Mayroon mga mag-asawa na hinahati ang kani-kanilang mga hurisdiksyon. Sa pagpili ng ibobotong Presidente, Mayor at Congressman si Mister ang masusunod. Si misis na ang bahala sa ibang bagay. Mayroon naman paghahati na si misis ang nasusunod sa lahat ng bagay sa loob ng bahay at si mister naman ang bahala sa lahat ng usapin sa labas ng tahanan. At mayroon din usapan na tinatalakay ng mag asawa ang lahat ng bagay na mabibigat tulad ng sino iboboto, anong relihiyon ang aaniban, anong paaralan papasukan ng mga anak, at mga negosyong papasukin.

Ang punto ay simple lang. Hindi maaaring hindi nag-uusap ang mag-asawa. Hindi maaaring walang kibo at walang pakialam si mister sa nangyayari sa misis dahil lang sa pagsunod sa happy wife happy life na mantra.

Nang tinukso ni satanas bilang ahas si Eba, nasa tabi lang ni Eba si Adan. Kahit alam ni Adan ang bilin ng Diyos kung ano ang bawal nilang gawin sa loob ng paraiso, hindi sinaway ni Adan ang ahas at si Eba. Bagkus kusang loob niyang inabot ang prutas na bunga ng puno ng kaalaman ng tama at mali na inabot sa kanya at kinagat ito. Napalayas tuloy silang dalawa sa paraiso at nabuhay sa sumpa ng Diyos na magpasa hanggang ngayon ay pinagtitiisan ng mga ka apo-apuhan ng dalawa.

Si Martin Luther at Uldarich Zwingli ay naniniwala na ang kasal ay hindi isang sakramento ng simbahan tulad ng mga Katoliko. Bilang isang sakramento, naniniwala ang Katoliko na sagrado ang kasal sapagkat Diyos ang nagtipan sa pagpapakasal ng lalaki at babae. Dahil dito, walang puwang ang diborsyo sa simbahan Katoliko. Para kay Luther at Zwingli, nilikha ng Diyos ang institusyon ng kasal upang makamit ng tao ang lubos na kaligayahan at makamit ang kanyang potensyal bilang tao na bahagi ng lipunan. Ang pag ibig ay hindi elemento ng isang kasal ngunit inaaasahan na susulpot ito sa pagtagal ng relasyon. Kung ang kasal ay nagdudulot lamang ng sama ng loob , kabalisaan at kaguluhan na sagabal sa kaligayahan at pagkamit ng potensyal ng mag asawa, mas mainam pa na mag diborsyo ang mag asawa at makahanap ng iba na makapagpapaligaya sa isa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit bumaklas si Haring Henry VIII ng Inglatera sa simbahang Katoliko at nagtatag ng Church of England na protestante ang pananaw. Ito ang daan upang madiborsyo ng Hari si Ann Boleyn at mag asawa ng iba upang magkaroon ng anak na lalaki na magmamana ng kanyang korona.

Sinabi ni Immanuel Kant na ang Bibliya ay hindi dapat ituring na tanging hukom ng tama at mali. Ang pangangailangan ng lipunan ang dapat na pamantayan kung ano ang tama at mali. Ang Bibliya ay hindi nagbabago at hindi na mababago samantalang ang lipunan ay nagbabago ng mga palagay at pinapahalagahan. Sa pag usad ng panahon , binago ng teknolohiya at agham ang buhay ng tao. Ang mga maling katuruan ng simbahang Katoliko tulad ng pagiging patag ng mundo na siyang sentro ng kalawakan ay pinabulaanan na ng agham. Hindi dapat manatiling nakakulong ang Pilipino sa mga katuruan ng simbahang Katoliko na mula pa sa Dark Ages ng kasaysayan ng sanlibutan. Imbes na kaunlaran, kabulukan ng lipunan ang hatid ng pananatiling naka-tanikala sa maling interpretasyon ng mga pari.

AUTHOR PROFILE