Default Thumbnail

Senator Joel Villanueva isinusulong scholarship sa mga gustong maging abogado

January 21, 2023 Marlon Purification 1002 views

Marlon PurificationINIHAIN ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng scholarship para sa mga naghahangad na mag-aral ng abogasya.

Layunin ng Senate Bill No. 1639 na amyendahan ang Republic Act No. 7662, o ang “Legal Education Reform Act of 1993,” upang itatag ang “Legal Scholarship and Return Service Program (LSRS)”.

“Lubos na kailangan ng mas maraming public defenders sa ating bansa dahil mayroon lamang tayong 2,500 na abogado ang Public Attorneys Office (PAO) at bawat isa sa kanila ay humahawak ng 5,300 kaso bawat taon,” pahayag ng Majority Leader sa kanyang talumpati matapos siyang gawaran ng Bulacan State University ng Doctor of Laws degree, Honoris Causa, noong Enero 12.

Ayon sa isang pag-aaral noong 2016, mayroon lamang isang abogado kada 2,500 Pilipino.

Higit na mataas ito kumpara sa Estados Unidos na may 1 abogado sa kada 248 residente, sa Italy na may 1 abogado sa kada 260 residente at Germany na may 1 abogado sa kada 560 residente.

Sinabi pa ni Villanueva na ang programa ay magiging katulad ng Doktor Para sa Bayan Act na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11509, na siyang naging principal author at sponsor noong nakaraang Kongreso.

“Binalangkas natin ang panukalang batas na ito dahil sa inspirasyong binigay sa atin ng ‘Doktor para sa Bayan Act’ na nagbibigay ng mga scholarship sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa mga State Universities at Colleges at sa mga partner private education institutions,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukala ni Villanueva, isasama sa LSRS ang sumusunod:

a. Free Tuition and other school fees

b. Allowance for prescribed books

c. Clothing or uniform allowance

d. Allowance for dormitory or boarding house accommodation

e. Transportation allowance

f. Bar review fees, including Bar examination application fees

g. Annual medical insurance

h. Other education-related miscellaneous subsistence or living allowances.

Nakasaad din sa panukalang batas na dapat magbigay ng “return service” o isang taong serbisyo sa kada taong nakinabang sa libreng pag-aaral ng abogasya ang scholar sa pamamagitan ng pro bono legal services ng PAO o sa iba pang ahensya ng gobyerno na nangangailangan ng mga abogado. Bibigyan sila ng naaangkop na civil service rank, suweldo at mga benepisyo.

Umaasa si Villanueva na sa pamamagitan ng programang ito ay mas marami pang mabibigyan ng oportunidad na mag-aaral ng abogasya at makahubog ng mga public defender na magtataguyod sa mga pagpapahalaga ng katotohanan, katarungan at katatagan.

“Sa loob po ng mahigit dalawang dekada, hindi nagbabago ang mga pagpapahalaga ko bilang isang lingkod-bayan. Nais po nitong maibahagi ang mga pagpapahalagang ito na itinuro sa akin ng aking ina at pinanghahawakan ko mula pa noong 2002 nang pasukin ko ang larangan ng serbisyo publiko,” ani Villanueva.

Si Villanueva ang kauna-unahang indibidwal na tumanggap ng Doctor of Laws degree, Honoris Causa mula sa unibersidad.