Default Thumbnail

Halos P700K iligal na droga, nasabat ng Batangas PPO

June 2, 2023 Jojo C. Magsombol 232 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Arestado ang dalawang hinihinalang tulak nang mahulihan ng tinatayang 99.47 gramo ng shabu at 34.8 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga ng P696,589 nang masabat ng mga awtoridad, base sa report ng pulisya noong Martes.

Ayon sa report ni Batangas police director P/Col. Rainerio M. De Chavez kay PRO Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director P/Brig. Gen. Carlito M. Gaces, isa sa mga suspek na nadakip ay itinago sa alyas “Jen” ng Taysan, Batangas.

Nadakip ang suspek ng puwersa ng Batangas Police Provincial Office-Drug Enforcement Unit (BPPO-DEU) kung saan nasamsam ang nasa 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.

Ang suspek naman na si alyas “Tome” ay nasakote sa Barangay Bolbok, Batangas City noong Mayo 26, 2023 kung saan nasabat ng mga kapulisan ng Batangas City sa pangunguna ng bagong hepe na si P/Lt. Col. Diana Dela Cruz Del Rosario ang nasa 10.20 gramo na shabu na nagkakahalaga ng P70,300.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa kulungan ng Batangas City police station.

Sinabi ni De Chavez na walang maidudulot na kabutihan ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot at “ginagawa ng kapulisan ng Batangas ang makakaya (nito) upang masugpo ito para sa isang mas magandang kinabukasan lalo na para sa ating mga kabataan.”

AUTHOR PROFILE