Default Thumbnail

Gusto nyo ipa-Tulfo ko kayo?

May 20, 2023 Jonjon Reyes 367 views

MGA abusado kayong pulis, gusto nyo ipa-Tulfo ko kayo, ano bang violation ko” – ito ang pasigaw na sinabi ng isang 43-anyos na jeepney driver sa dalawang pulis na sumita dito, dahil sa barubal nitong pagparking na sanhi ng sagabal sa kalsada sa kahabaan ng Juan Luna Street malapit sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue, Binondo sa Maynila umaga nitong Biyernes.

Dahil dito, pinosasan at saka dinala sa Juan Luna Police Community Precinct (PCP) at itinurn over naman sa Meisic Police Station 11 para kasuhan ng dalawang paglabag sa

obstruction sa Article 151, “Resistance and Disobedience to a person in authority or the agents of such person,” at unjust vexation ang jeepney driver na si Joel Alon, may asawa at residente ng Taft Avenue, Pasay City.

Base sa ulat na isinumiti ni Police Major Dino Venturina, hepe ng Juan Luna PCP, kay Police Lieutenant Colonel Rexson Layug, station commander, bandang 10:30 ng umaga nang maganap ang naturang insidente sa kahabaan ng Juan Luna sa Binondo.

Salaysay nina Police Staff Seargent Reijan Francisco at Police Corporal Leberato Cabison, kapwa nakatalaga sa nasabing PCP, namataan nila ang nasabing driver na sagabal sa gitna ng kalsada kung saan ito ay nagtatawag ng pasahero.

Sinesenyasan ni Cabison ang tsuper na umabante na pero hindi umano ito natinag sa manibela kaya napilitang lumapit ang pulis para ito’y tiketan.

Dito na sumigaw ang jeepney driver sabay na humarurot papalayo.

Nakipaghabulan na si Cabison at pagsapit sa panulukan ng Soler at Claro M. Recto nakorner na si Alon at saka sapilitang kinuha ang lisensiya nito.

Bago itinurn over sa presinto, sumailalim muna sa medical checkup ang nasabing jeepney driver.

Si Corporal Jerus Gonzales ang may hawak ng kaso matapos dalhin ang mga dokumento ng pagaresto sa duty inquest fiscal. Si Alon ay nahaharap sa dalawang kaso.

AUTHOR PROFILE