Default Thumbnail

Gulong bumakat sa ulo ng biktima ng hit-and-run

November 24, 2023 Edd Reyes 167 views

KALUNUS-lunos ang sinapit ng babaeng scavenger nang mabiktima ng hit-and-run habang nagkakalkal ng basura sa Malabon noong Huwebes.

Bumakat pa sa ulo ng hindi pa nakikilalang biktima na nasa edad 35-40 ang gulong ng sasakyan na nakasagasa sa kanya.

Nadiskubre ang duguang bangkay ng biktima malapit sa bunton ng basura sa P. Aquino St., Brgy. Tonsuya, Malabon dakong alas-9:00 ng gabi.

Sa report ni P/Cpl. Anthony Codog, traffic investigator, kay Malabon police chief P/Col Jay Baybayan, kitang-kita ng nagrespondeng mga tauhan ng Scene of the Crime Operative (SOCO) ng Northern Police District Forensic Unit (NPDFU) sa pangunguna ni P/Maj. Sonny Boy Tepace ang bakas ng gulong ng sasakyan sa ulo ng biktima.

Inatasan na ni Col. Baybayan ang mga traffic investigators na makipag-ugnayan sa mga opisyales ng barangay sa lugar, pati na sa mga pribadong establisimyento na may nakakabit na CCTV, para ma-check ang kuha mula Miyerkules hanggang Huwebes ng gabi.

Walang lead ang pulisya sa kung anong sasakyan ang nakapatay sa scavenger.

Isasailalim sa autopsy ang biktima para alamin ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan at hinahanap na rin ang kanyang mga kaanak o kaibigang nakakakilala sa kanya.

AUTHOR PROFILE