Default Thumbnail

Govt execs na nakikipagtulungan sa ICC kakasuhan

April 25, 2024 Chona Yu 38 views

HINDI mag-aatubili ang Department of Justice (DOJ) na panagutin sa batas ang sinumang opisyal ng gobyerno na makikipag tulungan sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Atty. Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, na malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi makikialam ang bansa sa imbestigasyon ng ICC ukol sa anti-drug war campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na nakikipag ugnayan ang ICC investigators sa mga aktibo at dating opisyal ng PNP tungkol sa imbestigasyon nila sa drug war ng nakaraang administrasyon.

Paliwanag ni Clavano, bagamat hindi pa sila nakakatanggap ng ganitong impormasyon at kay Trillanes lang nila ito narinig, malinaw na gumagana ang justice system at patunay dito ang maraming malalakas na kaso na naisampa at napanagot ang mga law enforcement officers na sangkot sa extrajudicial killings.

Ayon kay Clavano, maaaring managot ang sinumang sasalungat sa utos ni Pangulong Marcos maging law enforcers o government officials dahil lalabas na conflict of interest ang ganoong gawain.

Makakasuhan din ng paglabag sa probisyon ng RA 6713 o Conduct of Public Officers at Gross Neglect of Duty or Disobedience to Authorities ang sinumang makikipag-tulungan sa ICC.

Maaari rin maalis sa pwesto ang mga mapapatunayang makikipagtulungan sa ICC.

Samantala, maaari rin kasuhan ang mga retired officials na makikipag tulungan sa ICC.

AUTHOR PROFILE