Default Thumbnail

Good manners and right conduct

July 2, 2023 Joey C. Papa 353 views

Joey PapaNatatandaan ko itinuturo na sa amin sa elementary pa lang ang Good Manners and Right Conduct (GMRC). Hindi ko lang matandaan kung anong grado itinuro.

Natatandaan ko kahit hindi ko pa naririnig ang mga salitang GMRC, matindi na ang mga pagbibilin ng mga aking mga magulang, lola at tiyahin hinggil sa pagiging magalang sa sinumang tao lalo na sa mga kababaihan.

Ang isang tiya ko noon ay ginagamit ang mga salitang “po” at “opo” kahit sa mga taong halatang higit na bata pa sa kanya. Ang taong iginalang niya ay natuto namang sumagot din ng po at opo. May napulot akong aral doon.

Hanggang sa lumaki kaming magkakapatid ay dinala namin ang paggalang hindi lang sa mga kapamilya kundi na rin sa kapwa.

Ang masakit, kung minsan ay hindi talaga nararapat igalang ang isang taong nakilala ko dahil ang mga salitang lumabas sa kanyang bibig ay panlalait, pambabastos sa mga kababaihan na kasama namin sa organisasyon sa high school.

Ang maganda naman, ang isang babae na minura niya ay sinampal siya sa mukha at sinipa siya sa kanyang bayag! Tila natauhan ang bastos na lalaki.

Nang nagpapatuloy pa siyang magmura kahit na namimilipit sa sakit na tinamo ng kanyang bayag, nakialam na ang ilang mga kasama naming mga lalaki na higit na matanda sa akin at pinatigil na ang bastos na lalaki. Nang hindi pa rin siya tumigil, binitbit siya ng mga kasama naming malalaking lalaki at dinala sa presinto.

Sa presinto, patuloy pa rin ang pagmumura ng bastos na lalaki kahit na nasa harapan na siya ng pulisya. Sinigawan kahit ang mga pulis. Binanggit niya ang kanyang ama na isa ‘umanong maimpuwensyang tao at mga kamag-anak na may mga puwesto sa gobyerno.

Hindi siya pinansin ng mga pulis. Kinunan ng mga pulis ng salaysay ang mga babaeng kasama namin sa organisasyon. Kinasuhan din siya ng mga pulis na kanyang sinigawan.

Dahil sa marahas o bayolenteng asal ng bastos na lalaki, ipinasok muna siya ng mga pulis sa isang hiwalay na kuwarto na hindi kulungan o selda ngunit may makapal na pinto at binantayan siya ng isang pulis. Ipinasok daw siya rito upang kumalma at maging mapayapa.

Dumating ang ina na halatang may kaya sa buhay dahil sa pananamit at may kasama pang alalay na mga babae. Sumunod ang ama na naka-amerikana at buga ng buga ng sigarilyong hinihithit. May kasama silang abogado.

Sinabi ng abogado sa mga pulis na kung walang kaso ang kanyang kliyente — ang lalaking bastos—ay pakawalan na ito.

Sinabi ng mga pulis na iaakyat na nila ang reklamo sa tanggapan ng piskalya.

Hindi ko na matandaan kung ang lalaking bastos ay nakapagpiyansa o may “something” na nangyari at nakalaya siya. Alam kong nanindigan ang mga pulis sa kanilang nasaksihang kabastusan at kawalang-galang na kahit silang mga autoridad ng batas ay binastos din.

Kahit ganun ang nangyari, masaya na rin ako dahil sa nakita kong matinding pamimilipit ng bastos na lalaki matapos siyang mabayagan. Ayos na sa akin ‘yon!

Matinding leksyon sa kanya yon na hindi niya puwedeng basta-basta murahin ang mga kababaihan lalo na ang mga ina.

Sana’y magsilbing aral sa lahat na hindi lahat ng babae ay nagpapaduro. Hindi lahat ng mga babae ay walang kapatid na lalaki na handang magtanggol. Hindi lahat ng mga babae ay walang kaibigang babae at lalaki na kayang tapatan ang pambabastos.

Iwasan ang pambabastos. Iwasan ang masipa sa bayag.

AUTHOR PROFILE