Bong Go Si Sen. Bong go (pangalawa, mula kaliwa) at ang mga opisyal ng General Mamerto Natividad, Nueva Ecija na pinamumunuan ni Mayor Anita Arocena (ikatlo, mula kaliwa) matapos ang pamamahagi ng cash aid ni Go sa 1,000 katao sa munisipyo ng nasabing bayan. Kuha ni STEVE A. GOSUICO

Go pabor sa SIM registration extension

April 25, 2023 Steve A. Gosuico 299 views

GENERAL MAMERTO NATIVIDAD, Nueva Ecija – Pabor si Senador Bong Go na ma-extend ang deadline ng pagpaparehistro ng SIM (subscriber identity module) cards lampas ng Abril 26 dahil marami pa umano ang bigong humabol sa itinakdang deadline nito.

“Para sa akin, (dapat) pag-aralan (ito) nang mabuti, at kung maaari ay i-extend muna, marami pa pong hindi nakarehistro, sa totoo lang po,” ang tugon ni Go sa mga reporters sa isang panayam matapos pangunahan ang pamamahagi ng P3,000-halaga ng ayuda kasama si General Mamerto Natividad Mayor Anita M. Arocena sa 1,000 benepisaryo ng nasabing bayan, Lunes ng hapon Abril 24.

“Unang-una dapat turuan natin ang ating mga kababayan at dapat gawing simple yung pagrerehistro, iyong pinaka-simple at pinakamabilis na paraan, importante naman dito malaman kung sino ang owner (ng SIM) at dapat po hindi matigil ang serbisyo. Diyan na po magkakaletse-letse kapag naputol na ang SIM (service) dahil po hindi nakarehistro, mas lalo pong magiging busy ang mga networks kapag umabot sa puntong iyan. Kailangang ayusin muna ang sistema dahil first time po ito, hindi ganun kadali,” dagdag ng senador, na tinaguriang “Mr. Malasakit.”

Bukod sa pagbibigay ng kabuuhang P3-milyon na ayuda sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nagbigay din ang senador ng ayuda pinansyal sa pitong miyembro ng pamilya na nasunugan ng kanilang bahay.

Samantala, binati din ni Go ang bagong-talagang Philippine National Police (PNP) Chief na si General Benjamin Acorda Jr. sa pagpili sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. bilang “top cop” ng bansa.

“Naniniwala ako at tiwala sa kanya na kaya niyang gawin at gampanan ang kanyang tungkulin bilang namumuno ng napakalaking puwersa ng PNP,” ani ng senador sa paglalarawan sa kakayahan ni Acorda Jr.

Ipinahayag din ng senador ang kanyang reserbasyon sa mga panukala na amyendahan ang Local Government Code na ang layon ay alisin sa kapangyarihan ng mga local chief executives ang magtalaga ng mga police chiefs sapagkat aniya ito ay dapat munang pag-aralan nang mabuti bago ang lahat.

“Pag-aralan muna nang mabuti dahil nasa batas naman iyan, ang pagpili ng chiefs of police ay nasa local chief executive dahil dapat maging maganda ang kanilang relasyon, kasi iyong suporta po ay hindi lang naman galing sa Philippine National Police, iyung local government sumusuporta din sa sasakyan, gasoline, at pondo po para magampanan ng PNP ang kanilang tungkulin sa lugar na iyon,” diin ng senador, na nakakuha ng pangatlong pinakamataas na boto sa senatorial race sa bayang ito nitong 2019 polls.

Nagbigay-babala din si Go na dapat ang kapulisan ay maging “non-partisan.” “Dapat wala silang magiging amo kundi ang taumbayan lamang po. Dapat hindi sila kumampi kung pulitika na po ang pinaguusapan,” ayon pa sa senador.

Nagpamigay din ang senador ng may 1,000 grocery packs, 70 basketballs, 20 volleyballs, “Mr. Malasakit” t-shirts, at raffle para sa dalawang mountain bikes, dalawang mobile phones, at apat na rubber shoes para sa mga masuwerteng benepisyaryo.

AUTHOR PROFILE