Ginang may dalang droga, binaril ng malapitan sa ulo

August 13, 2022 Edd Reyes 90 views

BINARIL ng malapitan sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin ang 41-anyos na ginang habang nakaupo sa gilid ng maliit na eskinita sa Barangay Tonsuya Sabado ng umaga sa Malabon City.

Namatay din kalaunan ang biktimang si Jenifer Dacoco, residente ng MVP Hernandez St. Bgy. Catmon habang mabilis na nagtatakbong palabas ng eskinita ang nag-iisang suspek patungo sa hindi nabatid na lugar.

Sa ulat na isinumite nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/SSgt. Michael Oben kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, nakaupo sa gilid ng eskinita sa Flovi Homes, Phase 3, Letre, Bgy. Tonsuya ang biktima dakong alas-8:30 ng umaga nang lapitan ng salarin at bigla na lamang binaril sa ulo.

Dumayo lamang sa naturang barangay ang biktima na umano’y tila may hinihintay nang biglang lapitan at paputukan ng malapitan sa ulo ng salarin.

Sinabi ni Malabon Police Desk Officer PSSgt. Rio Norcio na kaagad nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 upang magsagawa ng follow-up operation subalit nabigo na silang mahanap at madakip ang salarin.

May hinala naman ang pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang nangyaring pagpatay sa biktima matapos makuha sa kanya ng mga tauhan ni P/Maj. Sonny Boy Tepace ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hindi pa batid na dami ng hinihinalang shabu, bukod pa sa isang basyo at isang depormadong bala ng hindi pa alam na kalibre ng baril sa lugar na pinangyarihan ng pagpatay.

AUTHOR PROFILE