Default Thumbnail

GINANG BUGBOG SARADO SA PARTNER

June 10, 2023 Jonjon Reyes 204 views

Inulan ng suntok sa ulo, sipa sa likod, sapak sa mukha

HALOS ikamatay ng isang ginang ang sinapit nito sa kanyang kinakasamang 25-anyos na lalaki matapos pagbubugbugin ito nitong Sabado ng umaga sa LRC Compound, Sunflower Street, Barangay 310, Sta. Cruz sa Maynila.

Dahil dito, arestado sa Manila Police District-Sta. Cruz Police Station 3 ang suspek na nakilalang si Vergel Ramiro, walang trabaho at nakatira sa nasabing lugar.

Base sa ulat na isinumite ni Police Corporal Julie Fe Julio kay Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, ang station commander, bandang 10:30 ng umaga, sa tulong ng ilang barangay officials ay natimbog ang suspek sa ginawang pambubugbog sa biktima.

Sa report ng pulisya, ilang testigo ang nakakita kung paano gulpihin ang ginang. Suntok sa ulo at sipa sa likurang bahagi ng katawan ang sinapit ng ginang.

Hindi pa umano ito nakuntento nang pagsasapakin sa mukha ang biktima, kasabay ng binitiwang salita na “ulol ka.”

Mabilis namang nakatakbo ang ginang at agad itong nagsumbong sa barangay na kung saan nagpatulong ang mga ito sa tanggapan ni Police Major Arnold Echalar, hepe ng Alvarez Police Community Precint, sakop ng Station 3.

Dakong 11:45 ng umaga, habang nagpapatrol ang mga barangay tanod, namataan nila si Ramiro sa loob ng isang computer shop kaya agad itong binitbit at dinala sa nasabing presinto.

Hinalang pera ang pinag-awayan ng dalawa dahil bukod sa walang hanapbuhay ang asawa ay nais na nitong hiwalayan si mister, kung kaya’t nakatikim ito ng gulpi na halos ikamatay nito.

Bago dinala sa presinto, isinailalim sa medical checkup ang ginang at ang suspek. Nahaharap sa kasong physical injury ang suspek, bukod pa sa ibang kaso.

AUTHOR PROFILE