Gcash

GCash nagbabala laban sa mga unlicensed online gaming platform

April 16, 2024 People's Tonight 155 views

BINALAAN ng mobile e-wallet na GCash ang publiko na mag-ingat sa mga hindi beripikadong SMS at marketing messages mula sa mga unlicensed online gaming platforms na ilegal na ginagamit ang kanilang logo at brand.

Ito’y makaraang dumami ang bilang ng mga mensaheng natatanggap ng mga e-wallet user mula sa mga unlicensed gaming sites na ginagamit ang GCash brand sa kanilang mga operasyon.

Binigyang-diin ng GCash na hindi nila ito pinapayagan at wala silang kaugnayan sa operasyon ng mga gaming site na ito.

Ayon sa kompanya, ilegal na ginagamit ng mga platform na ito ang kanilang brand at logo para sa kanilang mga promotional materials at advertisements.

Sinabi rin nito na hindi nila ibinabahagi o ibinebenta ang personal data ng mga user sa kahit anong third party entity.

Pinaalalahanan ng GCash ang publiko na iwasan ang mga platform na ito dahil maaari nitong mailantad ang kanilang mga personal na impormasyong maaaring magamit sa mga ilegal na aktibidad tulad ng phishing, paglabag sa data privacy, at iba pang cybersecurity threats.

Idinagdag pa ng GCash na pananagutin ng batas ang mga platforms na ilegal na ginagamit ang kanilang brand at ang mga organisasyong patuloy na magpapakalat ng fake news, apps, at ads.

Kaugnay nito, kinikilala naman ng kompanya ang importanteng tungkulin nito sa paglutas ng iba’t ibang uri ng financial crimes sa bansa tulad ng money mules, identity theft, at iba pa.

Ayon sa PNP, mahigit 15,000 na insidente ng online scams, partikular na ng ‘swindling,’ ang naitala sa Pilipinas ngayong taon.

AUTHOR PROFILE