Gcash

GCash, IKON nakatakdang magbigay ng financial services sa OFWs

June 3, 2024 People's Tonight 140 views

NAKATAKDANG magbigay ng inklusibong digital financial services ang nangungunang finance wallet na GCash at talent sourcing agency na IKON Manning Solutions sa mga OFW upang matulungan ang mga itong suportahan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ang nasabing kolaborasyon ay naglalayong matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ligtas at mas madaling paraan ng pamamahala ng kanilang salapi.

Ito ay posible sa pamamagitan ng mga serbisyo ng GCash katulad ng pagbabayad ng bills, pag-avail ng mobile load, at pagpapadala ng pera sa Pilipinas.

Samantala, ang mga OFW naman na aalis pa lamang ng bansa ay maaaring mag-access ng mga ekslusibong serbisyo mula sa IKON sa pamamagitan ng GCash application tulad ng GJobs at GLoans.

“Through our partnership, Filipinos can find more career opportunities at IKON via the GJobs feature of the app. They can also access GLoans and experience more convenient transactions with the recruitment agency as one of its partner merchant billers,” sabi ni GCash International general manager Paul Albano.

Idinagdag pa niya na kinikilala ng GCash ang pagsisikap at sakripisyo ng bawat OFW sa ibang bansa at ang kanilang malaking ambag sa ekonomiya ng Pilipinas.

Tutulungan din ng GCash ang mga papaalis na OFW na mas mamulat sa kahalagahan ng digital proficiency, sa mga paraan upang makamit ang kanilang financial goals, at kung paano nila mas epektibong masusuportahan ang kanilang mga pamilya gamit ang application.

Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng financial literacy program ang GCash at IKON upang maipaabot nila ang kanilang suporta sa mahigit 2.33 milyong OFW sa buong mundo.

Sinabi rin ni Albano na ang kolaborasyong ito ay magbibigay oportunidad sa mga OFW na magkaroon ng mas malawak na access sa digital library ng mga napapanahon at impormatibong mga lalamanin tungkol sa pamumuhay abroad, financial management tips, at tailor-fit hacks mula sa Pinoy Channel ng IKON.

Sa kasalukuyan, available na sa iba’t ibang bansa ang GCash application kagaya ng Japan at Canada. Samantala, inaasahang magiging available pa ito sa iba pang mga bansa tulad ng United Kingdom, Spain, Saudi Arabia, Singapore, Kuwait, Italy, Germany, Qatar, South Korea, Taiwan, Hong Kong, Australia, at United Arab Emirates (UAE).

AUTHOR PROFILE