Dizon Nagpahayag si MPD chief Adnre P. Dizon na paiigtingin ang anti-criminality law operations sa Maynila maging ang pagpapatupad ng ‘curfew’ sa mga kabataan para maiwasan ang riot o masungkot sa gulo partikular sa area ng Tondo. Kuha ni JON-JON REYES

‘Gang war’ sa Tondo; 1 nahulihan ng pen gun

May 4, 2023 Jonjon Reyes 391 views

NAGMISTULANG “ground zero” ang isang lugar sa Tondo matapos ang pag-ulan umano ng mga bato at basag na bote matapos rumesponde ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) dahil sa isa umanong riot na dulot ng “gang war” na pinigilan ng mga otoridad sa Mel Lopez Boulevard, Tondo, Maynila, Miyerkoles ng gabi.

Agad nakalawit at nakitaan ng “pen gun” ang isang 22-anyos na binata, tambay, ng Aroma Compound, Barangay 105, Tondo na sinasabing sangkot umano sa naganap na riot ng mga kabataan.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., commander ng MPD Raxabago Police Station (PS) 1, bandang 6:40 ng gabi, nang makatanggap ng tawag kaugnay sa nagaganap na gang war sa nasabing lugar.

Agad namang iniutos ni Ibay sa kanyang mga kapulisan na nagsasagawa ng “Oplan Galugad” at “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations” (SACLEO) lulan ng motorsiklo na malapit sa lugar at dito namataan ang nasabing gulo na sangkot ay mga kabataan.

Naabutan ng mga operatiba ang nagliliparang bato at bote habang nagaganap ang insidente.

Nang makita ng magkabilang grupo ang paparating na mga operatiba, kanya-kanyang nagpulasan, hanggang sa mamataan ng mga operatiba ang isang lalaki na may hawak na pen gun at kargado ng isang bala saka inaresto.

Dahil dito, nahaharap ang binata sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Agad na nagpasalamat si MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon sa mga rumespondeng pulis-Maynila para pigilan ang insidenteng kinasasangkutan ng mga kabataan sa Tondo, Maynila.

AUTHOR PROFILE