Default Thumbnail

‘Fundamental Justice’ at ‘anyare, Colonel?

March 16, 2023 Paul M. Gutierrez 246 views

PaulPABOR tayo sa apela ni Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves na “bigyan” naman siya ng “parehas” na pagtrato ng ating mga otoridad, publiko at media sa ginagawang pagdawit sa kanya sa madugong pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at 8 iba pa noong Marso 4.

Oops! Hindi natin personal na kilala si Rep. Teves o si Gov. Degamo at kahit nga minsan ay hindi natin sila personal na nakausap.

Subalit, tama kasi ang ipinupunto ni DOJ Secretary Boying Remulla sa panayam sa kanya noong isang linggo na sa ngayon, sa kawalan ng pormal na isinasampang reklamo laban sa kanya, sablay na agad siyang pagbintangan dahil lang sa “teorya” ng mga pulis na nag-iimbestiga o sinasabi ng pamilya Degamo.

Sa bagay na ito, sinabi pa nga ni SOJ Boying na nakahanda ang DOJ na bigyan ng proteksyon kahit ang pamilya ni Teves at ang mga nahuling suspek (daw) sa krimen, kasehodang ipasok sila sa ‘WPP’ (Witness Protection Program) ng DOJ para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Sa pamamagitan ni Atty. Ferdie Topacio, umapela si Rep. Teves na katulad ng iba, “bigyan” naman siya ng ‘fundamental justice.’

Translation? “Parehas” na pagtrato sa ilalim ng batas.

Sa paniwala pa ng kampo ni Rep. Teves, magkakaroon ng linaw ang lahat sakaling pormal siyang makasuhan sa korte.

Dangan nga rin kasi, bagaman may mga isinampa nang kaso sa kanya ang PNP-CIDG, “wala” itong kaugnayan sa “marites” (sa ngayon) na “siya” ang ‘mastermind’ sa Degamo murder.

Bagaman, ang impresyon nito sa publiko na hindi naman nakasubaybay sa kaso, eh “siya” na nga ang “utak” sa pamamaslang.

“Anggulo” yata ang tawag dito, hehehe! Abangan!

***

Kasama tayo sa nagulat sa balitang “sinibak” kahapon ni Chief PNP Jun Azurin sa kanyang puwesto si CIDG-NCR chief, Col. Hansel Marantan dahil sa kaso ng ‘robbery extortion’ (read: korapsyon), kasama ang ilan pa niyang operatiba.

Totoo man o hindi ang mga bintang, eh, ‘blackeye’ na naman ito sa kredibilidad ng PNP na patuloy ang pagbaba dahil sa mga sunod-sunod na malalaking kaso ng pagpatay sa mga nakaraang linggo kung saan apat sa mga biktima ay mga ‘elected local government officials’ katulad ng kaso ni Gov. Degamo.

Sa “tindi” naman ng bintang kay Col. Maranan na mistulang malapit sa katotohanan dahil sa ginawang pagsibak sa kanya ni Chief PNP, eh, isa itong matinding “mantsa” sa kanyang ‘service record’ na hind madaling burahin. Kumbaga, “sabit” dito ang kanyang kinabukasan bilang opisyal ng PNP, aguy!

Hindi rin natin kilala itong si Col. Marantan bagaman natawag niya ang ating pansin matapos pamunuan ang pag-aresto noong nakaraang buwan dito kay Eduardo ‘Don Edong’ Diokno-Eje, na tuwang-tuwa rin kapag tinatawag na “Hari ng Baclaran” ng Bayang Karerista.

Throwback. Itong si Don Edong ang nakumpirmang “hao-shiao” na ‘undersecretary’ sa Malakanyang na kumita ng daang milyon sa mga naloko niyang mga ‘government appointees’ at pekeng mga kontrata sa gobyerno.

Sa pagkahuli ni Col. Marantan dito kay Diokno, alam nating “bumilib” sa kanya ang Palasyo at nasayang ito ng sibakin siya ni Chief PNP.

Sayang talaga, hindi ba, mga kabayan?

Sa susunod, banggitin natin ang ilan sa mga kabulastugan nitong si Don Edong, Ms. Raquel Sha, ang magandang teller sa ‘Boodle Fight OTB’ para na rin sa kapakanan ng Bayang Karerista kung saan marami rin pala siyang “nagoyo” na mga “bosing.”

Abangan!

AUTHOR PROFILE