Torre

Food vlogger na timbog sa MJ: Pampatulog ko lang

February 22, 2023 Melnie Ragasa-limena 507 views

PAMPATULOG lang. Puyat lang at stress sa pang-eedit kaya kailangan ko rin ng pampakalma.

Ito ang paliwanangng isang food vlogger nang maaresto ito pati kanyang kasama nang mahulihan umano ng 300 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P36,000 sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Cassius Soriano at Gian Kalvert Paz. Ayon sa report sila ay nahuli sa Barangay Holy Spirit bandang 2 a.m. nitong Pebrero 22.

Sinabi ni Gen Nicolas Torre III, director ng Quezon City Police District (QCPD), inaresto ang dalawa matapos nilang makipag-negosasyon sa isang undercover na operatiba sa iligal na droga.

Aniya, isinailalim na sa surveillance ang dalawa kasunod ng impormasyong nagbebenta sila ng ilegal na droga sa Holy Spirit at iba pang katabing barangay.

Inamin ni Soriano na gumagamit siya ng marijuana dahil sa kawalan ng tulog dahil sa kanyang trabaho bilang food vlogger.

Ang dalawa ay kabilang sa 20 katao na naaresto mula Lunes hanggang Martes dahil sa paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Sa Barangay San Isidro Labrador, nasa 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000 ang nasabat dakong 4:30 ng umaga nitong Miyerkules, at naresto sina Ian Enriquez, Manuel Pontevedra at Dennis Solis Jr.