Default Thumbnail

Epektibong solusyon sa communist insurgency

October 14, 2023 Magi Gunigundo 173 views

Magi GunigundoAYON sa Armed Conflict Location and Event Data Project (ACLED), ang “world’s longest running Communist insurgency” ay nasa Pilipinas na nagumpisa noon dekada 60 at walang linaw kung kailan ito magtatapos.

Bagamat hindi na bago sa pandinig ng maraming Pilipino ang salitang komunismo, marami sa mga kababayan natin ay hindi nauunawaan ang kahulugan nito at ang pinaghuhugutan ng mga “kalaban ng estado.”

Upang madaling maunawaan ng anak ang pagkakaiba ng iba’t ibang ismo, sinabi sa bata ng amang ekonomista na ipagpalagay natin may-ari ka ng dalawang baka. Sa sosyalismo, mananatili sa iyo ang isang baka at ibibigay sa kapitbahay ang ikalawang baka.

Sa Komunismo, sapilitan kukunin ng pamahalaan komunista ang dalawang baka at bibigyan ka ng bahagi ng gatas ng mga ito. Sa Pasismo, sapilitan kukunin ng pasistang pamahalaan ang dalawang baka, at ibebenta sa iyo ang gatas ng mga ito.

Sa Byurukratismo, sapilitan pa rin kukunin ng pamahalaan ang dalawang baka, papatayin ang isa at gagatasan ang ikalawa at itatapon ang gatas nito. Sa Kapitalismo, ibebenta ng kapitalista ang isang baka at ang pinagbilhan nito ay ibibili ng bulugan para sa natitirang baka.

Para kay Karl Marx (1818-1883), hindi natupad ang pangako ng Industrial Revolution na magluwal ng isang lipunan na malaya sa kahirapan. Nasaksihan ni Marx na sa kabila ng pagyaman ng mga kapitalista na nagtayo ng mga paktori gamit ang mga bagong tuklas na teknolohiya ng panahon iyon, patuloy pa rin ang kahirapan ng maraming manggagawa (Proletarian), na dating magbubukid ( Peasant), na nagtitiis sa maliit na sahod at marumi, mainit, at di ligtas na mga paktori sa Europa.

Ang kapitalista at proletarian ay magkasalungat ng interes at malawak ang agwat ng pera at lakas ng magkaibang uri kaya naman sinabi ni Marx na aabot sa pagsasapulkan ang dalawang uri. Sa Kapitalismo, ang mga produkto na pinagtulong- tulungan ng maraming kamay ay nagdudulot lamang ng “alienation “ o paglusaw sa pagpapahalaga ng dangal na kadalasan nararamdaman ng isang “peasant” sa kanyang mga tanim.

Ito ang magtutulak sa uring manggagawa na mag-aklas sa kanilang kahirapan sapagkat walang mawawala sa kanila maliban sa mga tanikalang gumapos sa kanila sa karalitaan. Papalitan ang kapitalismo ng isang sosyalismong sistema na magbubuwag ng pribadong pag-mamay-ari.

Ang pananaw ni Marx ay salungat sa Davis -Moore Thesis na nananawagan ng isang sistema ng gantimpala na hindi parehas sa lahat upang mahikayat ang tao na magsipag dahil mas malaking gantimpala ang naghihintay sa taong masipag at maabilidad kesa sa tamad at taga-sunod lamang.

Pinaliwanag ni Ralf Dahrendorf(1959) ang apat na puntos bakit wala ng Marxist Revolution: 1. Paglawak ng bilang ng pagmamay-ari ng mga dambuhalang korporasyon na pagmamay-ari na ngayon ng libo-libong tao at kabilang dito ang mga manggagawa ng kompanya;2.

Mas mataas na uri ng pamumuhay dahil sa makabagong teknolohiya;3. Mas maraming organisasyon ng manggagawa na nagmamasid at tinuturing na kasosyo at hindi kaaway ng kapitalista ;4. Mas maraming batas na nakakiling sa manggagawa.

Kung susuriin maigi, inamin ng pamahalaan ng Pilipinas na ang ugat ng communist insurgency sa Pilipinas ay ang matagal ng mga isyu na sosyal-ekonomiya tulad ng agwat ng kayamanan at kapangyarihan ng kakaunting mayaman, na wala pang 1% ng 17M pamilyang Pilipino, ang walang kuwentang sistema ng edukasyon, pangit na serbisyo pangkalusugan, at kawalan ng hustiya na nagtutulak sa mga inaping magbubukid at magsasaka na makinig sa paliwanag ng mga komunista sa kanayunan na ginigiit ang solusyon sa imperialismo, piyudalismo, at biyukratismo- kapitalismo, ay marahas na himagsikan.

Samakatuwid,ang paglutas ng pamahalaan sa ilan o lahat ng mga pangmatagalang litanya ng mga isyung sosyal-ekonomiya, ang epektibong solusyon sa communist insurgency.

Dapat usisain kung sapat ba ang taunang badyet para sa 2024 ng Dep Ed, DoH, at Hudikatura batay sa istandard na pandaigdigang porsiyento ng GDP na nilalaang pondo ng iba’t ibang pamahalaan sa mga ahensiyang ito at kung tama ba ang mga programang pinaglalaanan ng pondo.

AUTHOR PROFILE