Eleksyon ‘guguluhin’ ng CPP para kay Leni?
NAGPULONG umano noong Pebrero ang propaganda committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) upang guluhin ang halalan ngayong Mayo 9, 2022 at lumikha ng kondisyon na maglalagay kay Vice President Leni Robredo bilang susunod na pangulo ng bansa kahit matalo pa ito sa halalan.
Ayon sa ulat na natanggap ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) mula sa isang ‘Ka Jed,’ ginanap ang pagpupulong ng ‘Propaganda Unified Committee (PUC) ng CPP sa loob ng isang seminaryo sa Bacolod City noong Pebrero 27, 2022.
Ang pagpupulong ay pinangunahanu umano ni alias “Fredo,” ang kalihim umamo ng PUC.
Ayon pa sa impormante ng NICA, dumalo rin umano sa pagpupulong si CPP founder Jose Maria Sison sa pamamagitan ng ‘zoom/video link’ at ilang kinatawan mula sa grupong ‘CARMMA’ (Coalition Against the Restoration of Marcos in Malacañang and Martial Law), na binuo ng CPP laban kay dating senador Ferdinand “BBM” Marcos Jr at Davao City Mayor Sara Duterte.
Kasama rin umano sa dumalo ang mga kinatawan ng ‘MAKABAYAN Bloc’ sa Kongreso na sumusuporta naman sa kandidatura ni Robredo at Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan. Makailang beses ng kinilala ni Pang. Duterte ang MAKABAYAN bilang mga prenteng grupo ng CPP sa Kongreso.
Balak umanong gumawa ng CPP ng mga propaganda at mga “senaryo” upang kumbinsihin ang mga miyembro nito, ang publiko at ang mga kaalyado nito ngayong halalan na may mangyayaring malawak na dayaan upang manalo si BBM.
Ibibintang naman ang umano’y “malawakang dayaan” sa administrasyong Duterte.
“The CPP is already preparing for another 1986 People Power Revolution in the event of a Marcos victory on the belief that his rival, Vice President Leni Robredo could not have lost the elections since she is supported by the Roman Catholic Church, major media groups, oligarchs and the ‘masses.’
“The CPP, apparently convinced of a possible Marcos victory, is already conditioning the minds of its supporters on alleged cheating (by the administration) to justify its protest moves once the result of the polls are announced,” ayon pa sa salaysay ni Ka Jed.
“Matagal” na umano siyang “binabagabag” ng kanyang konsensiya at nagdesisyon na palihim na makipag-usap sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga operatiba ng NICA upang ibunyag ang kanyang nalalaman.
Wala rin umano siyang sinusuportahan na kandidato at sa katunayan ay hindi siya kailanman nagparehistro para makaboto. Ang nais lang umano niya ay mabigyang babala ang mga Pilipino sa umano’y balak ng CPP at ang pakikipagsabwatan umano nito sa kampo ni Robredo.
Bukod sa umano’y sapilitang paglalagay kay Robredo bilang bagong presidente, inaasahan din umano ng CPP na ang ibubungang krisis ng plano nito ay makatutulong upang muli itong makapagpalakas at makapaghanda sa sarili nitong layunin na maagaw ang poder ng kapangyarihan.
Bilang paghahanda, inatasan din umano ng PUC at ni Sison ang lahat ng kanilang mga galamay at tagasuporta na “gumawa ng ingay” na ang panalo ng UniTeam ni Marcos at Duterte ay resulta ng pandaraya.
Inatasan din umano ang mga dumalo na palawakin pa ang kanilang pakikipag-alyansa sa kampo ng iba pang mga kandidato ngayong halalan upang magamit ang mga ito sa mga protesta at palawakin ang kaguluhan sa bansa.
“Wala sa interes ng CPP na umasenso ang Pilipinas o magkaisa ang mga Pilipino. Ang tanging pakay nito ay maagaw ang kapangyarihan,” dagdag pa ni Ka Jed.