Allan

Edsa zipline

April 24, 2024 Allan L. Encarnacion 117 views

MAGKAKAROON na naman ng bagong linya sa Edsa ang mga motorsiklo.

Lahat ng mga motor, kasama na marahil ang mga food delivery at iba pang katulad nila ay mabibigyan na ng free-flowing route sa masikip na Edsa. Siyempre, pasok na rin dyan ang Angkas, Joy Ride, Move it at ang iba pang isisisilang na motorycle taxi in the future.

Itatabi sila sa bike lane. Doon naman sa kabilang linya, naroon ang bus lane. Ibig sahihin, iyong isang linya ay para sa bus, iyong kalahating linya ay para sa bike at ang isang panibagong lane ay para naman sa mga motor.

Apat na linya na lang ang Edsa south bound at apat na linya rin ang North bound. Iyong naunang apat hanggang limang linya ay kinuha na ng MRT 3 na sakayan din ng working class.

Sa apat na linya na napanalunan sa raffe draw ng mga bus at makukuha na rin ng motor and bike, ibig sabihin ang natira sa mga private cars ay halos diyetang dalawang lanes or almost 1.5 na lang.

Ang mga daraan sa payatot na almost dalawang lanes ay ang mga middle class, iyong mga private cars na karamihan sa mga ito ay mga taxpayers. Ang middle class ang strongest lifeblood ng national treasury, sila iyong may malaking ambag sa pondo kung bakit tumatakbo ang ekonomiya ng bansa.

Nang umiral ang pandemic, palaging last priority ang ayuda sa middle class. Ang top priority ay iyong mga karaniwang manggagawa, iyong mga tsuper, iyong mga vendors, iyong mga nagtitinda sa palengke, iyong mga nasa underground economy.

Wala itong kinalaman sa dibisyon ng middle class at ng mga pangkaraniwang manggagawa, usapin ito ng mga dapat na balanseng polisiya na hindi makakapabor sa isang sektor at hindi rin naman makakapagpahirap sa isa pa.

Nauunawaan natin ang DOTr at MMDA sa kanilang pagsisikap na paluwagin ang Edsa. Wala naman tayong problema sa kanilang mga programa. Doon lang tayo sa pagbabalanse ng kanilang mga aksiyon.

Ayaw nating dumating ang mga panahong magdesisyon sila na ang mga nasa middle class ay mag-zipline na lang from Edsa Monumento-Caloocan City to Pasay Taft para maibigay pa nila sa mga kalabaw ang natitirang isa’t kalahating linya upang mas mabilis ang transportasyon ng mga bigas sa Metro Manila!

[email protected]