Default Thumbnail

‘Ecstacy’ nasabat sa NAIA

November 15, 2023 Vic Reyes 193 views

Vic ReyesSADYANG may mga taong matitigas talaga ang ulo, kagaya na lang ng mga nagpaparating ng mga illegal na droga sa ating bansa.

Nagbabasakali silang baka lumusot sa mga otoridad ang mga parating nilang ecstasy at iba pang ipinagbabawal na gamot.

Pero lagi naman silang luhaan dahil sanay na ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa mga modus operandi ng mga ismagler.

Sa tulong ng mga impormante at makabagong kagamitan ay natutukoy nila ang mga shipment na may lamang kontrabando.

Kamakailan nga ay naka-intercept ang Port of NAIA ng isang inbound express cargo na naglalaman ng mga pinaghihinalaang dangerous drugs.

Nagkakahalaga ng mahigit na P1.69 milyon, ang shipment ay nakita sa DHL Express Gateway Warehouse sa NAIA, Pasay City.

Sinabi ni Port of NAIA District Collector Yasmin O. Mapa na ang shipment ay deklaradong nag-lalaman ng vitamins, supplements, at baby/body wash products.

Pero nang idaan ito sa 100 percent physical examination ay nakitang may laman pala itong ecstasy tablets.

Ipinasiyang idaan ang shipment sa physical examination pagkatapos ng x-ray scanning. Nakitaan nga kasi ang shipment ng “suspicious images” kaya binuksan ito.

Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IAITG).

Ang dalawang ahensyang ito ay malaking tulong sa kampanya ng BOC-NAIA laban sa mga ipinagbabawal na gamot.

Matatandaan na pag-upo ni Pangulong Marcos sa Malakanyang, ang unang marching order niya kay Custom Chief Bienvenido Y. Rubio ay paigtingin ang kampanya laban sa ismagling.

Lalo na laban sa mga ipinagbabawal na gamot, kagaya ng shabu at cocaine, at illegal entry ng mga produktong agrikultura sa bansa.

Ang pagdagsa naman ng mga kontrabandong bigas, gulay, isda at iba pang farm products ay malaking pahirap sa mga magsasaka at mangingisda.

****

Malapit ng mag-Disyembre pero hindi pa natin nararamdaman ang malamig na simoy ng hangin tuwing Christmas Season.

Epekto na kaya ito ng paglala ng climate change hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Sa totoo lang, sobrang init pa rin ang nararamdaman natin sa halos buong araw, lalo na pagdating ng hapon.

Pero marami ang umaasa na hindi magtatagal ay nandiyan na ang malamig na simoy ng hangin na galing ng Siberia.

Kaya nga ilabas na ang mga jacket at makakapal na kumot.

Baka naman kasi sobrang lamig ang mararamdaman natin habang papalapit ang araw ng Pasko.

Samantala, kaunting tiis muna sa nararamdamang init ng panahon.

****

Tapos na ang barangay at sangguniang kabataan eleksyon.

Kalimutan na natin ang politika at pagtuunan na lang ang pag-asikaso sa mga bagay-bagay na magpapa-unlad sa ating mga komunidad.

Hindi madaling gawin ito dahil naging mainit ang nakaraang halalan.

Kasi nga mga magkakamag-anak at magkakaibigan ang ibang mga naglaban-laban nitong katatapos na eleksyon.

Ang masakit pa, talagang gumasta ng malaki ang ibang mga kandidato.

May mga nagbenta pa daw ng mga kalabaw at baka.

Ang iba naman ay umutang pa sa mga nagpapa-5/6 para may pangampanya.

Meron din mga nabaon sa utang pero natalo pa rin dahil talagang ayaw sa kanila ng mga registradong botante.

Masakit ‘di ba?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484, email:[email protected]. Iagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE