Default Thumbnail

‘Eco-friendly campaign’ ni Alan Peter Cayetano

February 10, 2022 Paul M. Gutierrez 438 views

PaulNAGSIMULA na ang kampanya para sa mga pambansang posisyon sa eleksyon ngayong Mayo 9.

At sa unang pagkakataon, napipiho ng mga miron na magiging “bukod-tangi” ang estilo ng gagawing kampanya sa kanyang pagbalik sa Senado ni ex-House Speaker at ex-DFA secretary, Alan Peter Cayetano.

‘Di kasi gaya ng nakaugalian, hindi mag-iimprenta ng posters, flyers, at iba pang campaign materials si Sen. Alan na 10 taon ding naging senador, simula noong 2007, hanggang maitalaga siyang Foreign Affairs Sec. ni Pang. Rody noong 2017.

Ang balita pa mula sa kanyang kampo, kahit motorcade ay walang balak gawin ang dating House Speaker sa loob ng 90-day campaign period na pormal na nag-umpisa nitong nakaraang Martes.

Gagawin ni Cayetano ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng digital platforms kasabay ng paglulunsad ng kanyang eco-friendly, lead by example campaign trail.

Sabagay nga, kayang-kaya na ng kahit na sinong kandidato na maglunsad ng isang digital campaign sa pamamagitan ng iba’t ibang social media platforms.

Ayon na rin sa ulat ng Pulse Asia, 63 porsiyento ng mga Pilipino ang may access na ngayon sa Internet.

Praktikal din ang hakbang na ito dahil hindi na kailangang umikot ng isang kandidato sa buong bansa lalo na ngayong may banta pa ang COVID-19.

At may lohika sa kanyang estratehiya na gusto ng mga Pinoy.

Sa totoo lang, gabundok na basura ang iniiwan ng mga posters at iba pang campaign material pagkatapos ng halalan.

Marami ring puno ang nabibiktima dahil pinapakuan ang mga ito ng campaign posters maliban pa sa isang laksang mga papel na nasasayang na ginagamit bilang campaign material ng mga kandidato.

“Saludo” tuloy ang iba sa nasabing estilo na eco-friendly campaign dahil sa wakas ay may nagmalaksakit sa kalagayan ng kapaligiran kapag panahon ng halalan.

Kasabay nito pinakiusapan din ni Cayetano ang kanyang mga supporters na huwag na ring mag-imprenta ng mga campaign materials bilang tulong sa kanyang kampanya.

Sayang lang anya ang tinta at papel na gagamitin. Bagkus, hinimok nya ang mga ito na suportahan sya sa kanyang social media campaign para makabalik sa Senado.

Kasabay nito hinikayat ni Cayetano ang taong bayan na sa halip maging lapastangan sa kapaligiran ngayong panahon ng kampanya ay magtanim ang mga ito ng iba’t ibang puno at bakawan sa mga kanayunan.

Mas mainam din aniya na isapuso ng mga nasa siyudad ang pagpapalaganap sa urban farming at green wall gardening para makatulong sa pang araw-araw na gastusin lalo na ngayong panahon pa ng pandemya.

Pabor tayo sa sinasabi ng dating Speaker na walang karapatan ang kahit na sinong kandidato na lapastanganin ang gumandang estado ngayon ng kapaligiran dahil sa nangyaring sunod-sunod na paghihigpit sa galaw ng mga tao dahil sa COVID-19.

Kaya, umaasa si Cayetano na susuportahan sya ng mga tao at tututukan ang kanyang kampanya sa Facebook at sa iba pang social media platforms upang hikayatin ang tao na ibalik sya sa Senado.

No poster, no flyers at no campaign material, campaign trail? Puwede, hindi ba, Boss Joey Venancio?

AUTHOR PROFILE