TVJ

‘Eat Bulaga’ ’di totoong nalulugi — Cristy

April 13, 2024 Vinia Vivar 154 views

Itinanggi ni Cristy Fermin na nagkaroon ng emergency meeting ang Eat Bulaga main hosts na sina Tito Sotto, Vic Sotto & Joey de Leon at ang TV5 dahil tinalo sila sa ratings ng katapat na programang It’s Showtime.

“’Yung nagpapakalat po ng kwento na nag-emergency meeting raw po ang Tito, Vic & Joey at ang Media Quest, wala pong katotohanan ‘yan,” simula ni ‘Nay Cristy sa kanyang vlog.

“Unang-una, ano po ang kailangan nilang maging dahilan para sa isang emergency meeting?” dagdag tanong niya.

She revealed na habang pressured na pressured ang It’s Showtime noong nakaraang Lunes at Martes (April 8 and 9) ay taped naman ang Eat Bulaga sa mga araw na ‘yun.

Aniya, noong Sabado (April 6), first broadcast ng It’s Showtime sa GMA-7, live ang Eat Bulaga.

“Pero habang nape-pressure naman po ang It’s Showtime noong Lunds at Martes, hindi po totoo na nagkaroon ng emergency meeting. Wala pong dahilan para magkita ang mga tagapamuno ng Media Quest at ang Tito, Vic and Joey dahil taped po ang Lunes at Martes ng Eat Bulaga,” pahayag ni ‘Nay Cristy.

Chill na chill nga umano ang TVJ at dedma lang sa ratings dahil naggo-golf ang mga ito nang mga araw na ‘yun.

Hindi rin umano totoo ang ipinalutang na tsika ng isang fan ng It’s Showtime na nalulugi na ang EB.

“’Eto lang naman ang ating hiling. Nalulugi? Sana, sa panonood mo ng Eat Bulaga tuwing tanghali, magtabi ka ng calculator para makita mo kung ilan ang load sa bawat gap ng Eat Bulaga at kung magkano sa bawat gap ang kinikita ng noontime show. Du’n mo malalaman talaga kung magkano. Alamin mo ‘yan. Punong-puno!” paliwanag ni CSF.

Ayon sa lumabas na data mula sa Nielsen Philippines ng April 6, 8, 9 and 10, talo ng It’s Showtime ang Eat Bulaga sa ratings ng napalalaking porsyento (mahigit sa kalahati).

Pero siyempre, sa loob ng maraming taon ay nasaksihan na rin naman natin ang kanilang pagtatapatan na nagpapalitan lang sila ng ratings.

May panahong makakaungos ang EB at may panahon din naman na ang It’s Showtime ang lumalamang sa kalaban.

AUTHOR PROFILE