Dayo

Club dancer tatalikuran ang nakaraan sa ‘Dayo’

April 13, 2024 Ian F. Fariñas 115 views

Kung parang ibang tao ka na sa sarili mong tahanan, saan ka pupunta?

Sa pelikulang Dayo ni Direk Sid Pascua mula sa panulat ni Quinn Carrillo, sundan ang kwento ng isang babaeng gustong magbagong-buhay sa bagong lugar pero pilit na sinusundan ng problema.

Si Rica Gonzales ay gumaganap bilang si Elsa, dancer sa isang club sa Manila na pinamumugaran ng mga bastos at korap na kalalakihan.

Dahil sa uri ng kanyang trabaho ay tinalikuran siya ng kanyang pamilya.

Ito ang magtutulak sa kanya na iwan na ang lahat at dumayo sa probinsiya.

Sa La Union mapapadpad si Elsa, dahil nandoon ang kanyang best friend na si Aya (Audrey Avila).

Dito, walang nakakaalam ng kanyang pinanggalingan at walang huhusga sa kanya.

Ramdam niya na siya ay malaya. Wala sa isip niya ang pag-ibig, pero hindi malayong mangyari ito.

Si Calvin Reyes ay si Eddy, isang tricycle driver. Siya ang unang lalaking magpaparamdam ng pagmamahal kay Elsa.

Hindi siya tinatratong babaeng bayaran ni Eddy kundi isang babaeng marangal at karespe-respeto.

Sa piling ni Eddy, magiging tahanan na ang La Union para sa kanya.

Pero laging may hahadlang sa kaligayahan ni Elsa. Masasangkot si Eddy sa illegal na bagay. Sa kasamaang palad, ito rin ang magdadala kay Elsa sa taong tinakasan niya mula sa kanyang nakaraan.

Meron pa bang lugar kung saan pwedeng makasama ni Elsa si Eddy nang mapayapa?

Kasama sina Marco Gomez at Nathan Rojas, ang Dayo ay mapapanood sa Vivamax simula April 19.

AUTHOR PROFILE