EMC

EastMinCom naka-red alert dahil sa MSU bombing, Surigao quake

December 4, 2023 Zaida I. Delos Reyes 245 views

ITINAAS na sa red alert ang buong pwersa ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines kasunod ng malakas na lindol at madugong pagsabog sa lugar.

Inatasan na ni EastMinCom commander Lt. Gen. Greg Almerol ang lahat ng units ng AFP na paigtingin ang kanilang operasyon para tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol at protektahan ang mga tao sa paligid ng Mindanao State University (MSU) na pinasabugan noong Linggo.

Sa Davao City, hinigpitan ng Joint Task Force Haribon ang seguridad kasunod ng pagsabog sa MSU.

Mahigpit din ang checkpoint ng Task Force sa mga entry points, bus boarding operations at patuloy ang pagsasagawa ng foot at water patrols sa lugar.

Dinagdagan rin ang troop visibility sa mga matataong lugar sa tulong ng Davao City Police Office.

Nakaantabay din ang 30 Humanitarian Assistance and Disaster Response (HARD) para tumulong sa local government unit ng Hinatuan, Surigao del Sur matapos ang 7.4 magnitude na lindol na nangyari doon.

Batay sa pinakahuling ulat na natanggap ng Eastmincom, apektado ng lindol ang maraming lugar sa Caraga at Davao Regions.

Umaabot sa 16 na paaralan, 543 bahay, 38 gusali at apat na tulay ang napinsala.

Umabot din sa 13,401 pamilya na binubuo ng 61,791 indibidwal ang naapektuhan habang tatlo ang namatay at 14 ng nasugatan.