Gatchalian

Early educ important yan–Gatchalian

August 8, 2023 PS Jun M. Sarmiento 236 views

UPANG masugpo ang krisis sa edukasyon, binigyang diin ni Sen. Win Gatchalian ang kahalagahan ng early childhood care and development (ECCD) para paigtingin ang kakayahan at kaalaman ng mga mag-aaral.

Batay sa mga resulta ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) at pagsusuri ng tanggapan ng senador, ang isang taon sa early childhood education (ECE) ay maiuugnay sa pagtaas ng humigit kumulang na 6 points sa Math performance ng Grade 5.

Umabot sa 286 ang average predicted math score ng mga math learners na pumasok sa ECE, samantalang 282 naman ang marka ng mga hindi pumasok sa ECE.

Lumalabas din sa datos ng SEA-PLM na kung ihahambing sa mga magulang ng mga batang hindi pumasok sa ECE, iniulat ng magulang na may anak na pumasok sa ECE na mas maigting ang kakayahan ng kanilang anak sa pagsusulat at pagbasa, pagtukoy sa mga hugis, at basic addition.

Batay pa sa pagsusuri ng resulta ng 2019 SEA-PLM kada income group, lumalabas na para sa 25% ng mga mag-aaral na nasa ilalim ng kategoryang pinakamahirap, may maliit ngunit positibong pag-angat na 0.4 points sa Grade 5 math score ang pagpasok sa ECE.

Para naman sa 25% na pinakamayamang mga mag-aaral na pumasok sa ECE, mas mataas ng 10.71 points ang kanilang marka kung ihahambing sa mga hindi tumanggap ng ECE.

Batay sa mga resultang ito, makikitang mahalaga pa rin ang papel ng kalidad sa performance ng mga mag-aaral, mahirap man o mayaman.

Si Gatchalian ang may akda ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029) na layong paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng ECCD curriculum at K to 12 basic education curriculum.