Default Thumbnail

Dy naalarma sa mga ‘krimen’ dawit OTS personnel

March 4, 2023 Ryan Ponce Pacpaco 245 views

NANAWAGAN ngayon si Isabela 6th District Representative Faustino “Inno” Dy V sa pamahalaan na magpatupad ng mga hakbangin sa modernisasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na makatutulong na mabawasan at maiwasan ang diskresyon ng mga tauhan ng paliparan sa mga travelers.

Kasabay nito, nagpahayag ng pagkaalarma ang Isabela solon sa magkahiwalay na insidente ng krimen na umano’y kinasangkutan ng security personnel ng NAIA sa mga banyagang bisita na ikinalungkot niyang makakaepekto sa kalagayan ng turismo sa bansa kung mananatiling hindi naitatama.

Nagpahayag ng pagkaalarma sa mga “kahiya-hiyang” pangyayari, hinikayat ni Dy ang mga namamahala sa NAIA na gumawa ng konkretong aksyon para siyasatin ang mga insidenteng naganap sa paliparan.

Ayon sa kongresista na miyembro ng Committee on Tourism sa Kamara, kailangan ipatupad din sa paliparan sa bansa ang sistemang umiiral sa ibayong dagat na kung saan susuriin lamang ang mga bagahe kung aalarma ang X-ray machine na pinagdaanan nito.

Giit ng tagapangulo ng Special Committee on Bases Conversion, hindi na dapat manatili ang status quo na aniya’y dapat mag-invest sa mga equipment at rebisahin ang mga proseso sa paliparan para alisin ang mga posibleng pinagmumulan ng katiwalian at krimen.

Diin pa niya, na mabibigo ang pamahalaan na maka-attract ng 4.8 milyon turista na target ngayong taon kung hindi magkakaroon ng pagbabago ng sistema sa paliparan.

Aniya, mahihirapang abutin ang target ng pamahalaan kung mananatili ang negatibong reputasyon sa paliparan maliban kung agad na malunasan ang mga problema.

Nabunyag sa mga ulat na nitong Marso 1 lamang, nakita sa closed-circuit television (CCTV) footage ang security screening officer ng Office for Transportation Security (OTS) sa NAIA Terminal 1 na kinukuha umano ang relo ng isang pasaherong Chinese sa security screening checkpoint.

Nauna rito, napaulat din na limang OTS personnel ang inilagay sa ilalim ng preventive suspension matapos makita sa isang video na umano’y humihingi ng pera sa isang “departing Thai tourist” sa NAIA na nagviral sa social media.

Dagdag pa sa ulat, 14 pang OTS personnel ang napatalsik nuong Hulyo ng nakaraang taon sa iba’t-ibang pagkakasala, tatlo ang sinuspinde at anim na iba pa ang kasalukuyang iniimbestigahan ng legal department ng ahensiya.

Naniniwala ang kongresista mula sa Isabela na posible pa umanong marami pang “horror stories” na sangkot ang mga airport personnel bukod pa sa mga nahuli dahil may naglakas-loob na magreklamo at nagkataong nakunan ng video.

Ikinokonsidera din ng mambabatas ang maitulak ang isang congressional inquiry sa kapulungan sa nabanggit na isyu.

AUTHOR PROFILE