Default Thumbnail

“Diskarte” ni Gov. Suarez, nakakabilib!

April 23, 2021 Paul M. Gutierrez 313 views

SA ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) kahapon, araw ng Biyernes, hindi tayo nagtataka kung bakit “kampante” si Quezon Gov. Danilo Suarez na magtutuloy ang kanyang pagiging “ama ng probinsiya” hanggang sa 2028.

Translation? Sa mga “nag-aambisyon” na palitan si Gob sa kapitolyo sa susunod na taon, aba’y “pasyal-pasyal” na lang muna kayo sa “tumana” dahil hindi siya matatalo, hehehe!

Mas kilala bilang mambabatas si Gov. Danny at dahil nakumpleto na niya ang kanyang ‘full term’ sa Kongreso, tumakbo at naging gubernador naman ng lalawigan noong 2019 election.

‘Pre-emptive preparation’

Na “magaling” at “kapuri-puri” ang naging diskarte ni Gob. Suarez sa paglaban sa COVID-19 ay nabanggit niya sa NPC forum kahapon kung saan Nobyembre 2019 pa lang, nang ang pagsulpot ng COVID virus ay isang “tsismis” pa lang, “pinulong” na umano niya ang mga doktor at health workers sa Quezon upang pag-usapan ang kanilang gagawing “paghahanap.”

Ang resulta? Puwedeng sabihin na “kauna-unahan sa Pilipinas” ang lalawigan ng Quezon sa ginawang ‘preparation’ dahil aniya, pagdating ng buwan ng Disyembre 2019, nakalatag na ang kanilang plano sakaling maging isang ganap na pandemya ang COVID virus.

Eh, pansinin mga kabayan na Enero 2020, maging si DOH Secretary Francisco Duque at ang Palasyo, mistulang “pakaang-kaang” pa sa isyu ng COVID virus at paano ito paghahandaan, kaya… sinong hindi bibilib” sa ‘foresight’ ni Gob. Danny, hindi ba, NPC director, Joey Venancio?

Kaya ang tanong: May “bolang kristal” kaya si Gob. Danny o sadyang alam na niya ang dapat gawin bilang isang beteranong pulitiko at lingkod-bayan?

At binabasa ninyo ito, mga kabayan, ‘100 percent’ nang tapos bakunahan ang may 14,116 ‘FHCW’ (frontline health care workers) sa buong lalawigan, yeheyy!

Kahit problema ng ASF, naresolba na rin

Isa pang magaling na diskarte na ipinagyabang, ehek, ibinida ni Gob. Suarez sa forum kahapon, kahit pala ang pesteng ‘ASF’ (African Swine Fever) na “dilubyo” ang dinala sa ating mga magsasaka at sa mga ‘backyard hog raisers,’ ‘solve’ na rin umano sa probinsiya ng Quezon!

Aba, sa katotohanang ang mayorya ng mga residente ng Quezon ay mga magsasaka at mga nag-aalaga ng baboy, eh, ‘heaven sent’ sa kanila ang ginawang mga aksyon ni Gob Danny upang sugpuin ang problema ng ASF.

Aniya pa, “nag-abono” pa nga ang provincial government upang bayaran (compensation claim) ang mga nabiktima ng ASF dahil ang pondong dapat ibigay ng DA (Department of Agriculture), “mabagal” ang pagdating (at ang alam natin ay kulang na kulang pa nga).

Hmm. “Napakasuwerte” naman ng mga residente ng Quezon, partikular ng ating mga magsasaka dahil may isang ‘Gov. Danilo Suarez’ sa kapitolyo, ganun ba ‘yun, kasamang Sunny Mallari ng PDI?

Quezon, “bukas” sa mga maysakit ng COVID

Sa ngayon, mayroon lang na 1,110 active COVID cases sa Quezon sa kabuuang 9,846 naitalang kaso kung saan pa rin, 8,460 ang ‘recoveries.’ At kahapon, mayroon lang umanong 16 ‘new cases’ ng sakit sa lalawigan habang 376 ang naitalang namatay.

Ayon pa sa “ama” ng Quezon, nasa kategoryang ‘GCQ’ (general community quarantine) ang buong lalawigan hanggang sa katapusan ng Abril, patunay na ‘on top of the situation’ ang provincial government, tama ba ‘yan, DOH chief, Francisco Duque, sir?

Aber, mas marami pa nga, aniya ang hospital bed na okupado ng mga “nanganganak” kesa sa maysakit ng COVID, hehehe!

Aniya pa, bilang pagtulong at dahil malaki pa naman ang hospital capacity sa buong Quezon, “hindi” umano nila “tatanggihan” ang mga COVID patients na darating sa Quezon upang gamutin at magpagaling, saan mang suok ng ‘Pinas sila manggaling, kaya, mabuhay ka, Gob. Suarez!

Bakuna para sa media

At para naman sa mga kasapi ng media, partikular sa mga miyembro ng NPC, tiniyak din ni Gob. Suarez na kasama sila sa mababakunahan, kaya, mabuhay ka ulit, Gob!

Aniya pa, naglaan na ang provincial government ng P1 bilyon bilang pambili ng bakuna, bakuna na BUKOD pa sa mga bakunang galing naman sa national government.

Tiniyak kasi ni Gob. Danny na mababakunahan ang minimum na 70 porsiyento ng mga residente ng Quezon na kailangan upang maabot ang tinatawag na ‘herd immunity.’

Kaya nga sa mga ginawa, ginagawa at gagawin pa ni Gob. Suarez, eh, mukhang “mahihirapan” siyang “maolat” sa 2022 at 2025 election?

Ano kaya ang reaksyon dito ni Quezon fourth district representative at umano’y ‘incoming governor,’ Rep. Angelina ‘Helen’ Tan?

Abangan!

AUTHOR PROFILE