Dimples

Dimples, na-challenge sa ’di planadong pagbubuntis

June 15, 2022 Ian F. Fariñas 299 views

NINETEEN years nang kasal si Dimples Romana sa mister na si Boyet Ahmee at simple lang daw ang sikreto nila sa success ng kanilang marriage.

Sa virtual launch kahapon ng eight months preggy na si Dimples bilang bagong endorser ng Generika Drugstore, sinabi niya na kapag may sasabihing hindi maganda sa kanya si Boyet, umiinom ito ng tubig.

“Hindi niya lulunukin ’yon hanggang hindi na niya masasabi ang sasabihin niya, hindi ako masasaktan,” kwelang banggit ng aktres.

Siya naman daw, sinisiguro na lagi niyang priority ang asawa.

Kaya raw ’pag sinabi ni Boyet na mag-quit na siya sa showbiz, wala siyang magagawa kundi sundin ito.

Pero sa ngayon, aminado si Dimples na tuluy-tuloy pa rin siyang magtatrabaho kahit pagkapanganak.

Magpapahinga lang daw siya ng mga ilang linggo tapos balik-trabaho muli.

Hindi nga raw kasi biro ang magpaaral ng anak sa abroad gaya ng ginagawa nila ni Boyet. Very challenging din ang kanyang pagbubuntis dahil hindi raw ito planado.

Ang panganay nilang babae na dream maging piloto ay kasalukuyang nag-aaral ng Aviation sa Australia habang nasa grade school naman ang ikalawang anak nila dito sa ’Pinas.

Any moment now ay maaari na siyang manganak sa bunso kaya naman laking pasasalamat ni Dimples na patuloy siyang pinagkakatiwalaan ng mga kumpanyang tulad ng Generika kung saan unanimous choice siya bilang brand ambassador.

Sabi ni Atty. Josette Abarca, president at CEO ng Generika Drugstore, si Dimples ang perfect choice dahil na-inspire sila sa istorya nito at commitment sa pamilya.

“Humbling” at “honored” naman ang aktres sa tinuran ni Atty. Josette.

“Grabe, parang ’di ko nga naramdaman ang pagbubuntis ko dahil hanggang ngayon, nagtatrabaho pa rin ako. Pero gusto ko rin ang ginagawa ko lalo pa if it would mean something to somebody,” katwiran ng aktres.

Feeling niya, mas malaki ang magiging impact niya bilang Generika endorser dahil hindi lang isang buhay ang makakaramdam ng “ginhawa” kundi mas nakakarami dahil sa mahigit na 700 branches nito nationwide.

Bukod sa mas murang mga gamot, meron ding Plus Services ang Generika gaya ng Libreng Konsulta katuwang ang partner doctors para sa free medical consultations on site o via phone, libreng BP monitoring at scheduled basic diagnostic services katulong ang mobile laboratory-partners at gamot guide para sa proper intake ng medicines.

At dahil may babala muli ang gobyerno sa unti-unting pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa, nariyan din ang Generika Drugstore Mobile App na maaaring i-download sa Apple App Store o Google Play Store para sa mga hindi makakalabas ng bahay para bumili ng gamot.

Sa ganitong paraan napapatotohanan ng kumpanya ang tagline nila na sa Generika, may ginhawa para sa lahat.

AUTHOR PROFILE