Default Thumbnail

Desisyon para sa HUC ng Cabanatuan nasubukan sa plebisito sa SJDMC

November 5, 2023 Steve A. Gosuico 260 views

CABANATUAN CITY–Nasubukan sa unang pagkakataon sa plebisito sa San Jose Del Monte City (SJDMC), Bulacan ang desisyon ng Korte Suprema noong 2014 na unang kumatig sa petisyon for certiorari ni Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali na dapat lumahok sa plebisito para sa conversion ng Cabanatuan City bilang highly urbanized city (HUC) ang lahat ng mga kwalipikadong botante ng lalawigan.

Nasubukan ang desisyon na ito sa unang pagkakataon sa plebisito para sa pagiging HUC ng SJDMC kasabay ng pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 noong Okt 30.

Nauna rito, sinabi ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes, na nanguna sa kampanya ng HUC sa kanyang distrito, na tinatanggap niya ang kalooban ng mga tao sa kanilang kolektibong desisyon na tanggihan ang conversion ng lungsod sa HUC.

Umabot sa 820,385 ang bumoto ng “hindi” para maging HUC ang SJDMC, kumpara sa mahigit sa 620,707 na bumoto ng “oo.”

Sa bigong HUC bid ng SJDMC, kabilang sa mga aktibong nangampanya laban dito sina Bulacan Gov. Daniel Fernando, dating gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado at Roberto Pagdanganan.

Sa petisyon ni Umali na kinatigan ng SC En Banc sa naunang desisyon nito noong Abril 22, 2014, binigyangdiin niya na direktang apektado sa ekonomiya, pulitika, panlipunan at heograpikal ang buong lalawigan dahil dito ang lahat ng mga kwalipikadong botante ng Nueva Ecija ay dapat payagang lumahok sa isang plebisito para sa panawagan i-convert ang Cabanatuan City bilang HUC.

Ang mga respondents sa petisyon ni Umali ang Commission on Elections, ex-mayor Julius Cesar Vergara at ang city government ng Cabanatuan.

Sa pag-apruba ng petisyon ni Umali, iniutos ng Korte Suprema sa Commission on Elections na itakda ang iskedyul para sa plebisito ng Cabanatuan City HUC sa loob ng 120 araw pagkatapos ng finality ng desisyon.

Gayunpaman, hindi natuloy ang nakatakdang plebisito noong Nobyembre 8, 2014 dahil sa kakulangan ng pondo ng Cabanatuan City Treasurer’s Office para sa P101 milyon pondo para sa HUC bid nito.

Humigit-kumulang siyam na taon pagkalipas nito, hindi na itinuloy ng Cabanatuan City ang pagtulak para sa status ng HUC nito at nanatili itong isang component city hanggang sa kasalukuyan.

AUTHOR PROFILE