Bala

DDEU-NPD pinaulanan ng bala, hinagisan ng granada

May 20, 2023 Edd Reyes 289 views

NABULABOG ang katahimikan ng gabi sa sunod-sunod na putok ng baril na sinundan ng paghahagis ng granada sa harap ng tanggapan ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.

Sa ulat na ipinarating ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay NPD Director Ponce Rogelio Peñones, Jr., nasa loob ng naturang tanggapan sa may Langaray Street, Barangay 14 sina P/Cpl. Gerald Corotan at Pat. Yaweh Strero, mga duty police officer, nang bigla na lamang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril dakong ala-1:45 ng madaling araw na tumagos sa loob ng tanggapan na nasa pagitan ng opisina ng District Special Operation Unit (DSOU) at ng NPD Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) bago sinundan ng malakas na pagsabog mula sa inihagis na granada.

Hindi kaagad lumabas ng tanggapan ang mga tauhan ni P/Maj. Dennis Odtuhan, hepe ng DDEU na masuwerteng hindi nahagip ng mga tumagos na bala sa loob ng kanilang tanggapan sa pangambang may sumunod pang pagsabog.

Nakapag-responde naman kaagad sa lugar ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 4 sa pangunguna ng deputy commander nito na si P/Lt. Alexander Ibe na nagsagawa kaagad ng follow-up operation subalit bigo rin silang mahabol pa ang mga suspek, dalawa rito’y magka-angkas sa isang NMax na motorsiklo, kasunod ang isa pang kahalintulad na uri ng motorsiklo na isa lamang ang sakay na mabilis na humarurot patungong Pampano St.

Kabilang sa tinamaan ng bala at shrapnel mula sa inihagis na granada ang itim na kotseng Hyundai at isang puting Sport Utility Vehicle (SUV) na nakaparada sa harapan ng DDEU habang nasira rin ang hagdanan na papasok sa naturang tanggapan.

Ilang basyo naman ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril at bahagi ng inihagis na granada ang nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa naturang lugar na isusumite sa NPD Forensic Unit upang isailalim sa ballistic examination.

Napag-alaman na walang isinagawang operasyon ang mga tauhan ng DDEU laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga noong araw na iyon bagama’t kabilang sa mga nakapiit sa kanilang Custodial Facility ay mga huli naman ng DSOU at CIDG na katabi ng naturang tanggapan.

Batay sa rekord, pinakahuling iniulat na nasakote ng mga tauhan ni P/Maj. Odtuhan na nakuhanan ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu mula sa magka-live-in na mga suspek, kapwa 33-anyos na nahuli sa buy-bust operation noong Abril 23, 2023 sa Bgy. 185 sa Caloocan City.

Ayon sa isang hindi nagpakilalang residente sa lugar, ito na ang ikalawang ulit na hinagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang tanggapan ng DDEU na ang una’y naganap noon pang taong 1983.

AUTHOR PROFILE