Default Thumbnail

Comm. Bien Rubio handang tugunan ang utos ni PBBM

February 15, 2023 Vic Reyes 270 views

Vic ReyesNOONG Lunes, Pebrero 13, ay nagkaroon ng “ceremonial turnover of command” sa aduana na dinaluhan ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Finance (DOF).

Ang BOC, na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Bievenido Y. Rubio ng Batac, Ilocos Norte, ay nasa ilalim ng DOF at ang pangalawang pinaka-malaking revenue agency ng gobyerno.

Pinalitan ni Commissioner Rubio si Yogi Filemon Ruiz, isang dating regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency, ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board.

Sa “ceremonial turnover ceremony” ay inulit ni DOF Secretary Benjamin Diokno ang kanyang buong suporta sa mga programa at inisyatibo ng tinatawag na “graft-prone agency.”

Dahil hindi nakadalo sa okasyon si Secretary Diokno, binasa na lang ni Finance Undersecretary Bancori Agabin ang kanyang talumpati.

Sinabi ni Diokno na ang modernisasyon ng customs administration “must be a key priority” ni Commissioner Rubio, na unang pumasok sa BOC noong 2001.

Ayon pa kay Diokno, “a digital customs administration allows the government to focus its resources in the identification of higher risk entities, while enhancing the ease of doing business.”

Kagaya ni Diokno, naniniwala tayo, kasama ang iba pang waterfront stakeholders, na kayang-kaya ni Commissioner Rubio na gampanan ang kanyang bagong tungkulin.

Sa totoo lang, ang bagong komisyuner ng BOC “will take on this mission with utmost commitment, integrity and excellence,” dagdag pa ng top honcho ng DOF.

Sa kanya namang talumpati, ipinangako ng anak ng Batac, Ilocos Norte na gagawin niya ang apat na direktiba ni Pangulong Marcos.

Ang apat ay: Lampasan ang target collection, i-simplify at i-secure ang facilitation ng trade, labanan ang ismagling, at pataasin ang morale ng mga opisyal at tauhan ng ahensya.

At sa kanyang mga opisyal at tauhan, nanawagan si Commissioner Rubio na panahon na para magbago upang makamit ng ahensya ang kanyang goals.

Pero para ma-achieve ang 180 degree turnabout, kailangan nila ang “ang hard work, dedication and cooperation.”

Sa pangunguna ni Commissioner Rubio, inaasahang lalong gaganda ang serbisyo sa aduana.

Ang kailangan lang ay magkapit-bisig ang mga taga-aduana, importers at brokers, mga mamamahayag, at iba pang may transaksyon sa waterfront.

***

Isa na namang claimant ng balikbayan box na naglalaman ng “kush marijuana” ang hinuli ng mga otoridad sa isang controlled delivery operation sa Antipolo City.

Ang droga, o high-grade marijuana, ay may street value na P16.8 milyon at galing ng California, Estados Unidos.

Ang suspek ay hinuli ng mga tauhan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport, Philippine Drug Enforcement Agency at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG).

Ang balikbayan box, na deklaradong naglalamon ng personnel effects, ay nakita sa Pair Cargo Warehouse sa Pasay City.

Pero nang idaan ito sa x-ray machine ay nakitaan ito ng “suspicious image.” At nang buksan ito ay may laman pala itong 12,000 grams ng dried leaves.

Ito ay nakumpirma ng PDEA sa isang laboratory testing. Ang kush marijuana ay isang dangerous drug ayon sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Dangerous Drugs Act.

Talagang mahirap lumusot ang mga iligal na droga sa mata ng mga tauhan ni Port of NAIA District Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan-Talusan.

Kagaya ng ibang BOC personnel sa lahat ng collection districts sa buong bansa ay bihasa ang mga tauhan ni Collector Talusan, anak ni dating BOC Depcom Julie Crisologo-Manahan, sa pag-detect ng mga prohibited goods.

Muli, congrats, Ma’am Mimel.

****

Ang deadly earthquake sa Turkey at Syria ay isang “eye opener” sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas.

Dapat laging handa ang lahat ng mga ahensya at opisina ng gobyerno para tugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad, kagaya ng lindol, bagyo, baha at landslide.

Kailangang kumpleto tayo ng mga kagamitan para mapabilis ang pagtulong sa mga lugar na tatamaan ng kalamidad.

At hindi sana mabahiran ng korapsyon at kalokohan ang pagbili ng mga kagamitang ito.

Dahil kung hindi, magagalit ang taumbayan kung mga bulok ang mabibili nating mga kagamitan.Tama ba kami, Pangulong Bongbong Marcos ?

(Para sa ibying komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE