Quinn

Cloe, personal choice ni Quinn sa ‘Tahan’

April 7, 2022 Ian F. Fariñas 529 views

MISMONG si Quinn Carrillo ang sumulat ng kuwento ng psycho-thriller na Tahan at sa storycon ay inamin niya na ang sexy star na si Cloe Barreto ang nasa isip niya habang isinusulat ito.

“Noong nasa first draft na ako, nag-chat ako kay Cloe, sabi ko may may isinusulat ako na bagay sa kanya. Ito kasi (sabay turo sa katabi) baliw-baliw.

“Hindi joke lang. Feeling ko kasi hindi na siya aarte rito, hahaha! So sila na iyong nasa isip (Jaclyn Jose at Cloe) ko habang isinusulat ko ito,” paliwanag ni Quinn.

Produced by 3:16 Media Network ni Janilyn “Len” Carrillo kasama si John Bryan Diamante sa ilalim ng direksyon ni DIrek Bobby Bonifacio, ang Tahan ay iikot sa istorya ni Elisse (Cloe), isang prostitute na hayok sa laman.

Labing-isang taong gulang pa lamang si Elisse nang una siyang ibugaw ng inang si Nora (Jaclyn).

Kwento ni Quinn, “Actually, I have a lot of friends na may problema sa mga family nila, specifically sa mga parent. Kasi I have a lot of working friends. So lagi nilang nirereklamo sa akin na ‘ah, si mom ganito, napaka-demanding, pinagwo-work ako. si daddy, ganyan-ganyan.’ So, naisip ko, oo nga, ang dami ngang mga demanding na parent ngayon, what if ano, bwisitin ko lahat ’yung mga tao? Hindi, hahaha! Gusto kong mapakita sa tao na maraming ganitong bata, maramng ganitong tao na ganito ’yung kinakaharap sa buhay.

“Iniisip kasi nu’ng iba na ’yung mga bata, maaarte lang, ayaw mag-work. Eh, pa’no kung ’yung mismong parent nila ’yung nagpu-push sa kanila, ’yung mga ginagawang capitalism ang mga anak na sila hindi magwo-work tapos ’yung mga anak na lang nila ’yung magsusunog-baga para sa kanila.”

Siyempre, excited si Cloe sa pelikula dahil aniya, matapos ang lahat ng pinagdaanan niya pagkatapos gawin ang Silab, tingin niya ay mas palaban siya ngayon lalo na sa maseselang eksena.

“Salamat po sa producer namin na si Nanay Len na walang sawang magbigay ng tiwala sa kakayahan ko,” naiiyak na sabi ni Cloe sa storycon.

“Kay Ate Quinn, kasi isinusulat pa lang niya, tinawagan na niya ako agad. Sabi niya, ‘Uy, bagay ito sa ‘yo!’ Sabi ko, ‘Sige, gawin mo na! Tapusin mo na! Hahaha!”

Doble excitement din ang nararamdaman ni Cloe lalo pa nga’t makakasama na niya sa pelikula ang matagal nang idolo na si Jaclyn (na gaganap sa papel ng nanay niya) at makakapareha pa ang mahusay ding aktor na si JC Santos.

“Marami akong pinagdaanan after kong gawin ang Silab. Kaya I think maia-apply ko iyon dito sa Tahan,” paniniguro ni Cloe.

Bukod kina Cloe, Quinn, Jaclyn at JC, nasa cast din ng Tahan sina Karl Medina, AJ Oteyza, Mac Cardona, Mercedes Cabral, EJ Salamante, Joseph San Jose at Stiff Banzon.

AUTHOR PROFILE